LAGUNA – BUMAGSAK sa kamay ng pinagsanib na kagawad ng National Bureau of Investigation Laguna District Office (NBI-LAGDO), Laguna Provincial Jail Personnel at San Jose City, Nueva Ecija PNP ang tumakas na preso sa Laguna Provincial Jail (LPJ) mahigit isang buwan na ang nakakaraan.
Base sa ulat ni NBI-LAGDO Chief Atty. Daniel Daganzo, nakilala ang naarestong pugante na si Edwin Florez Ibanez, alias “Vito” residente ng Bgy. Sto. Angel Central, Sta. Cruz, Laguna.
Nakakulong ang suspek sa kasong Qualified Rape thru Sexual Assault and Violation of RA-7610 (2 Counts).
Ayon kay LPJ Warden Ret. General Norman Pinion, nagawang makatakas na muli si Ibanez sa kasagsagan ng bagyong Rolly bandang alas-3 ng madaling araw noong Nobyembre 2.
Sapilitan inakyat nito ang bubungan ng piitan habang bitbit ang tinangay na long firearms at isang kutsilyo na kung saan ay nakapagtago ito sa isang kaanak sa Bgy. Tayabo, Nueva, Ecija.
Sa talaan ni Pinion, unang nakapuga ang suspek noong Setyembre 4 bandang ala-1:30 ng madaling araw na agad din naaresto ng pulisya at ng kanyang mga tauhan sa Brgy. Masapang sa bayan ng Victoria.
Sa pamamagitan ng isinagawang follow up operation ng mga tauhan ni Daganzo, natunton ng mga ito ang suspek sa lugar at kaagad itong inaresto.
Balik kulungan ang suspek at panibagong kaso na naman ang kinakaharap. DICK GARAY
Comments are closed.