TUNGKULIN NG HR OFFICERS KINILALA NG CSC

BINIGYANG-HALAGA ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles ang malaking papel na ginagampanan ng human resource management practitioners (HRMPs) sa pampublikong sektor para maisulong ang mga pagbabago at pagkakaroon ng mahusay na serbisyo sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Sa kanyang mensahe sa opening ceremony ng 25th Regional Continuing Professional Education for Human Resource Management Practitioners sa Ilocos Sur kamakailan, sinabi ni Nograles na mga HRMP ang silang namumuno para sa kinakailangang human capital o mga kawani ng pamahalaan.

Giit ng CSC head, sa pamamamagitan ng HR managers, nagkakaroon ang mga public office ng kaukulang mga tauhan kung saan sila rin ang gumagabay at humuhubog sa bawat state workers upang maging mahusay sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

Sinabi ni Nograles na sa 1.8 million na mga lingkod bayan, kung saan sa Ilocos ay mayroong 95,875 na career at non-career personnel, ang HRMPs nito ay nagsisilbi ring tagapagsulong sa pagkamit ng kapayapaan, seguridad, matatag na ekonomiya at pagkapantay-pantay sa rehiyon.

Kaya naman hinimok niya ang mga ito na patuloy na magpatupad ng mga kinakailangang reporma at makabagong sistema sa larangan ng HR management sa layuning mapagbuti ang operasyon ng gobyerno at makapagbigay ng maayos na pamumuhay sa mahigit sa 100 million mga Pilipino.

Ang HRMPs ay binubuo ng HR at administrative officers and employees ng mga tanggapan ng pamahalaan, na silang nakatutok sa personnel development and management, nagsisilbi ring tagapamagitan ng CSC at ng government agencies; nagpapaabot at tinitiyak na naipatutupad ang lahat ng HR policies and programs ng civil service.

ROMER R. BUTUYAN