TUNGO SA MAKABULUHANG PAGBABAGO SA EDUKASYON

ANG desisyong bawasan ng ₱12 bilyon ang budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2025 ay nagdulot ng mainit na debate at iba’t ibang pananaw tungkol sa mga epekto nito.

Sa kabila ng pagbawas na nabanggit, ang taunang budget ng DepEd para sa 2025 ay tumaas pa rin naman ng ₱20 bilyon kumpara sa budget noong 2024.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chair ng Senate finance committee, ang overall increase ay nagpapakita ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon. Dagdag pa niya, ang budget para sa teaching supplies allowance ay higit pa sa doble ang itinaas mula ₱4.825 bil­yon noong 2024 na naging ₱9.948 bilyon para sa 2025.

Nagpapakita, aniya, ito ng direktang suporta ng gobyerno sa ating mga guro at mag-aaral. Sa ganang akin, bagaman ang pagtaas na ito ay isang positibong hakbang, kailangan na­ting tandaan na kaila­ngan pa ng karagdagang mga hakbang upang masuportahan ang ating mga guro na madalas ay overworked, underpaid, at kung minsan ay naglalabas ng sariling pera para sa ilang mga gastusin sa klasrum at paaralan.

Ang kaltas sa mga programa ng DepEd, partikular ang ₱10 bil­yong pagbawas sa DepEd Computerization Program, ay may karugtong na malala­king katanungan. Ang Kalihim ng DepEd na si Sonny Angara ay nagpahayag ng pagkadismaya. Aniya, ang programang ito ay naglalayong matugunan ang lumalawak na digital divide, isang isyu na lubos nating naramdaman noong panahon ng pandemya.

Ayon pa sa ilang mga kritiko, maaaring lalong lumawak ang umiiral na kawalan ng pagkakapantay-pantay dahil dito, at tuluyan na ngang maiwanan ang milyon-milyong mag-aaral na hindi handa sa mga pagbabago sa ating mundo na ngayon ay pinatatakbo na ng makabagong teknolohiya. Higit pa itong kailangan sa panahong ito na patuloy na binabago ng AI technology ang mundong ating ginagalawan.

(Itutuloy…)