Maraming bansa ang aktibong nagpapatupad ng mga pambansang polisiya at regulasyon upang tugunan ang lumalawak na epekto ng artificial intelligence (AI), na lalong lumalawak ang epekto sa mga sektor tulad ng edukasyon, negosyo, at ekonomiya.
Habang ang Pilipinas ay nagsisikap na makasabay sa mga pandaigdigang pagbabago sa larangan ng AI, kumikilos din ito upang bumuo ng mga polisiya, batas, at mga regulasyon na nagtataguyod ng teknolohiya habang pinoprotektahan din naman ang lahat mula sa mga potensyal na panganib na dala ng mga pagbabagong ito.
Ilan sa mga organisasyong nagsimula nang gumawa ng mga hakbang tungo rito ay ang Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology, University of the Philippines, at Department of Education.
Isa sa mahalagang inisyatiba ay ang panukalang batas na House Bill 7396, o ang “Artificial Intelligence Development and Regulation Act of the Philippines”, na isinumite ni Rep. Robert Ace S. Barbers.
Layunin ng batas na ito na magtatag ng “Artificial Intelligence Development Authority (AIDA)” na magiging responsable sa pangangasiwa ng pag-unlad at paggamit ng mga teknolohiyang AI sa bansa. Ang AIDA ay magkakaroon ng tungkulin na lumikha ng mga gabay sa regulasyon upang matiyak ang tinatawag na ethical use ng AI.
Nakagawa rin ang Pilipinas ng National AI Strategy Roadmap na dinisenyo upang gabayan ang direksyon ng bansa sa harap ng mga pagbabago na dulot ng AI. Ang estratehiyang ito ay nagbibigay-diin sa pagpapahusay ng ating kasanayan sa AI at pagsuporta sa mga startups at iba pang mga AI practitioners.
Limitado pa rin kasi umano ang ating kasanayan at paggamit sa naturang teknolohiya; sa kasalukuyan ay nasa 30% lamang ng mga gumagamit ng AI sa Pilipinas ang may sapat na pagsasanay para sa epektibong paggamit nito. Gayunpaman, hindi ko pa nakita o nabasa ang kabuuan ng naturang roadmap, kaya sa usaping ito ay may pangangailangan ang DTI na mas lalong ipakalat ito upang makarating sa mas nakararami.
(Itutuloy…)