TULAD nga ng lagi nating sinasabi, sa ating pagbangon, nangangailangan tayo ng suporta mula sa bawat isa. Dahil ang pagbangon ng isang Pinoy ay pagbangon nating lahat. Dito nakikita ang tunay na kahulugan ng bayanihan – ang walang kulay na pakikipagtulungan ng mga pribadong sektor sa gobyerno upang maisakatuparan ang minimithi nating muling pagsulong.
Tayo po ay walang sawang magpapasalamat sa mga pribadong sektor na patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamahalaan upang makatulong sa pagsusulong ng malawakang pagbakuna na isang paraan upang mailigtas tayo sa malubhang dagok ng COVID-19.
At sa pagsusulong ng bakuna, maaari na ring isunod ang pagsusulong sa kapakanan ng iba’t ibang aspeto ng ating ekonomiya, tulad ng industriya ng turismo.
Isa ang turismo sa pinakamalalaking dahilan kung bakit malusog ang ating ekonomiya bago pa humambalos sa atin ang COVID-19. At nang dumating nga ang pandemya, isa rin ang turismo sa mga pangunahing sektor na pinadapa ng suliraning ito.
Sa usaping ito, malaking tulong muli ang maaaring isuporta ng magigiting nating kaakbay sa pribadong sektor.
Marami pong ari-arian ang gobyerno sa tourism sector na ngayon ay hindi na halos gumagalaw at ‘di na kumikita nang sapat. Hindi na ito napagtutuunan ng kaukulang pansin ng pamahalaan kaya hindi na rin nalilinang ang kahalagahan nito sa pagpapalago ng ating turismo.
Kabilang sa mga ito ang Banaue Hotel and Youth Hostel at ilang isla sa Visayas na pagmamay-ari ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Ang mga ito ay itinuturing na prime tourist destinations na maaaring mapalakas ng private enterprises na eksperto sa assets development.
Maaaring magawan ng paraan ng private enterprises na maging profitable ang mga nabanggit nating government assets sa pamamagitan ng build-operate-transfer. Sakaling maisaayos at maibangon na nila nang husto ang mga ito, maaari na nilang ibalik ang mga ito sa gobyerno sa tamang panahon.
Malaking ayuda ang kolaborasyon ng gobyerno at ng pribadong sektor sa aspetong ito at tiyak na makatutulong din sa muling paglusog ng ekonomiya. Liban sa lalakas na ulit ang kalakalan at ang kabuhayan ng bansa, makalilikha pa tayo sa pamamagitan ng government assets ng iba’t ibang trabaho para sa ating mga kababayan.
Sa ngayon, masasabi natin, hindi pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang turismo dahil nga sa destabilisadong estado natin dahil sa pandemya.
Pero sa sandaling maging panatag na ang katayuan natin sa aspetong pangkalusugan at matiyak ang kaligtasan ng mga turistang dayuhan at lokal, maaari nang tuloy-tuloy na palakasin ng mga kinauukulang ang ating industriya ng turismo.
Hindi kailanman matatawaran ang ambag ng turismo sa malakas na paggalaw ng ating ekonomiya. Kaya sa sandaling maging ligtas na ang lahat, umaasa tayo na patuloy rin ang pakikipagtululungan ng pribadong sektor sa pamahalaan sa iba’t ibang usapin para sa muli nating pag-unlad at sa pagbabalik natin sa normal na pamumuhay.
Comments are closed.