TURISTA BAWAL PA RIN SA PMA

PMA

BAGUIO CITY – BAWAL pa ring pumasok sa prestisyosong Philippine Military Academy (PMA) kahit binuksan na hahapon ang Baguio City sa mga turistang mula sa Ilocos Region.

Sa isinumiteng liham ni PMA Commandant of Cadets Brig. Gen. Romeo Brawner Jr. kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nakiusap ito na i-exempt  ang nasabing military academy bilang major tourist attraction sa nabanggit na lungsod.

Kaagad naman inaprubahan ni Contact Tracing Czar at Mayor Magalong ang kahilingan ni Brawner.

Base sa talaan, nanatiling coronavirus disease (Covid-19)-free ang military academy dahil sa mahigpit na ipinatupad ang institution-wide lockdown simula pa noong Pebrero bilang proactive measure laban sa virus.

“We want to maintain safety for our cadets,” ani Brawner.

Kabilang sa mga ipinatutupad ng PMA sa sinumang pumasok sa academy, kinakailangang sumailalim sa medical checkup sa Fort Del Pilar Station Hospital at kapag nag-positive sa virus ay agad na dadalhin sa Baguio General Hospital.

Gayundin, lahat ng kadete at personnel ng PMA ay mahigpit na sinusunod ang safety measures katulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing sa formations, parades at mahigpit na pinagbabawalang lumabas ang mga ito. MHAR BASCO

Comments are closed.