INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang turistang Taiwanese dahil sa ilegal na pagpapalusot ng 254 piraso ng soft and hard live corals papuntang Taipei.
Ayon kay Port of NAIA Customs District Collector Carmelita Talusan, ang sinasabing live corals ay tinatayang aabot sa 39 kilograms ang bigat at inilagay ito sa loob ng kanyang dalawang bagahe.
Sa inisyal na imbestigasyon ay inamin ng suspek na binili niya ang mga coral sa halagang US$15,000 katumbas ng P788,250.00 Philippine currency.
Sinabi ni Talusan na bawal ang paglalabas ng mga coral nang walang permiso mula sa pamahalaan dahil labag ito sa RA 10863 ng Customs Modernization ang Tariff Act in relation to RA 10654 o iyong tinatawag na Ban on Coral Exploitation and Exportation.
May kaparusahang 20 taong pagkabilanggo at may kaakibat na multa ang maglalabas ng mga coral nang walang permiso.
Napag-alaman na dumating ang Taiwanese sa Maynila na may bitbit na dalawang luggage, ngunit walang nakalagay na personal belongings maliban sa kanyang pasaporte at pera. FROI MORALLOS
Comments are closed.