“MAYROONG ginto, at napakaraming mga batong mahal, ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman.” (Kawikaan 20:15)
Ang kayamanan ay hindi nasusukat lang sa salapi. Magkaiba ang punto de vista ng mundo at ng langit. Ang pananaw ng tao ay mababaw at pakitang-tao, subalit ang pananaw ng Diyos ay malalim at makatotohanan. Ang mga bagay na pinahahalagahan ng tao ay walang kabuluhan, subalit ang kalooban ng Diyos ay pang-walang-hanggan ang kahalagahan. Ano ang pinahahalagahan ng mga tao? Kasama riyan ay ang mga ginto, hiyas at batong mahal.
Sa panahon ng kagipitan, ano ang silbi niyan? Makakain ba iyan ng isang taong nagugutom? Naaalala ko sa pelilkulang “Titanic,” nang lumulubog na ang barko at nag-aagawan ang mga tao ng puwesto sa iilang mga bangka na makapagliligtas sa kanila, may isang mayamang tao na nag-alok ng maraming pera at kayamanan sa isang opisyal ng barko para mabigyan siya ng puwesto sa bangka, subalit sinabi ng opisyal, “Aanhin ko iyang pera mo sa panahon ngayong mamamatay na tayo?”
Noong buhay pa ang nanay ko, lagi siyang nagkukuwento sa akin tungkol sa karanasan niya noong panahon ng giyera sa Pilipinas. Naging wala nang halaga ang kayamanan at pera ng mga tao. Dahil wala nang pagkaing mabili sa Maynila, nagkagutom-gutom ang mga tao, mayaman man o mahirap. Nakaligtas ang aking pamilya noong panahong iyon dahil sa talino ng aking lola. Inutusan niya ang aking ama at tiyo na pumunta sa kanilang farm sa kabisayaan, magkatay ng baka, at mamili ng bigas at asin sa Bikol.
Sumabit sila sa tren mula Bikol hanggang Maynila na dala-dala ang mga pagkain. Ang unang nakinabang sa pagkain ay ang aming angkan. Pagkatapos, namigay ang lola ko ng tapa sa kanyang mga kapit bahay at mga nangungupahan sa kanyang mga apartment. Kailangang mamigay na lang siya at hindi magbenta dahil wala nang pera ang mga tao noon. Sa kalsada, maraming taong naghihikahos at halos mamatay na sa gutom. Inampon ng lola ko ang isang Amerikanong parang taong grasa, buto’t balat, at gula-gulanit ang damit.
Nangupahan si Trining Rizal (nakababatang kapatid ni Dr. Jose Rizal) sa apartment ng lola ko. Ang pamilyang Rizal ay trinatong importante at marangal ng mga Hapon dahil sa pilosopiya nilang “Asia for the Asians,” at isa sa mga bayaning dinakila at hinangaan nila ay si Dr. Jose Rizal.
Nagbigay ng magandang klaseng bigas ang mga Hapon kay Trining Rizal. Dahil sa katalinuhan ng lola ko, nakipag-ugnayan siya sa mga Hapon, nakipagpalit siya ng karneng baka sa magandang klaseng bigas ng mga Hapon. Kaya noong panahon ng giyera, hindi kumain ng “sisid bigas” ang angkan ko. Ang mga mahihirap, dahil sa kawalan o kakulangan ng bigas sa palengke, ay sinisisid ng ilang kalalakihan ang mga sako ng bigas sa ilalim ng dagat dahil sa karga-karga ang mga ito ng mga barkong pinalubog ng kalaban sa giyera. Ang sabi ng ina ko, ang sisid bigas ay mabaho at hindi masarap kainin.
Dahil sa mga karanasang ito ng angkan ko, napatunayang tumpak ang turo ni Haring Solomon: ang kaalaman at karunungan ng isang tao ay isang kayamanang higit pa kaysa sa ginto, batong mahal o hiyas. Sa panahon ng kagipitan, wala nang silbi ang mga kayamanan. Mas mahalaga ang karunungan gaya ng ipinamalas ng aking lola.
Mahusay makipag-kapwa tao ang aking lola sa Amerkano man o sa Hapon.
Dahil mapagbigay siya sa maraming tao, wala siyang kaaway. Mahal siya ng marami. May kasabihan ang mga pilipino, “Ang taong walang pagtingin sa kapwa, walang kayamanan sa balat ng lupa.” Kaya maraming uri ng kayamanan, hindi lang kaperahan. Ang magkaroon ng maraming kaibigan ay isa ring kayamanan. Ang makilala mo ang Diyos sa personal na paraan ay isa ring kayamanan. Ang magkaroon ng matatag na trabaho at tiyak na kita ay isa ring kayamanan.
May kasabihang Latin, “Magnum vectigal est parsimonia” (Malaking kita ang pagiging matipid). Kahit na maliit lang ang suweldo o kita mo, subalit may ugali ka namang matipid at pala-ipon, mayroon ka ring kayamanan. Minsan sumama ako sa isang medical mission sa probinsya ng Aklan. Dalawampu’t lima kami sa aming grupo. May kasama kaming dalawang Chinese na babae. Nilapitan ko sila at tinanong, “Ano ang sikreto ng mga Chinese bakit madali silang yumayaman?” Sumagot sila, “Alam mo, wala naman talaga kaming sikreto sa pagyaman kundi ang pagiging matipid. Kasi kung ang kita mo kada buwan ay 10,000 pesos subalit ang gastos mo kada buwan ay 5,000 pesos lang, mas yayaman ka kaysa sa isang taong ang kita kada buwan ay 40,000 pesos pero ang gastos naman ay 50,000 pesos kada buwan.
Kaya ang sikreto ng aming pagyaman ay katipiran at hindi pagiging magastos.” Ayon sa kaibigan kong Chinese, “Katipiran ang sikreto ng pagyaman.”
Ang sabi naman ng lola ko, “ Huwag mong gastusin ang lahat ng kikitain; dapat may ipong palalakihin.” Para maging matipid, kailangan ng isang tao ng karunungan. Minsan binisita ako ng dalawang Amerkano sa aking bahay.
Pinakain ko sila ng hapunan. Taga- California sila at lumilibot sila sa buong mundo para magturismo at magpasarap.
Samantala, wala silang bahay at lupa at baon sila sa “student debt.” Umutang sila sa gobyerno nila para makapagtapos ng pag- aaral sa kolehiyo. Hindi pa nila nababayaran ang utang nila, pero naglalamiyerda na sila.
Para makatulong sa kanila, habang kumakain kami, tinuruan ko sila ng konsepto ng pagtitipid at pag-iipon. Habang nakikinig sila sa akin, malaki ang paghanga nila, at pagkatapos ay sinabi nila, “You are a very wise person.” (Isa kang marunong na tao).
Nagtaka ako sa kanilang sinabi dahil para sa akin “common sense” (karaniwang pag-iisip) lang naman ang sinabi ko, subalit para sa kanila, ubod na ng dunong iyon. Kaya, sundin natin ang mga katuruan ni Haring Solomon tungkol sa kaperahan, para tayo maging marunong at dahan-dahang yumaman.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)