“NAMAMANA sa magulang ang bahay at kayamanan, ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.” (Kawikaan 19:14)
Madalas sabihin ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Anak, wala kaming maipapamana ng tatay ninyo sa inyo. Mahirap lang tayo. Iyang pag-aaral ninyo na lang ang aming pamana sa inyo.” Magandang pamana ang pag-aaral, subalit sana naman ay may pamana ring ari-arian na naimpok ng mga magulang para sa kanilang mga anak. May salawikaing Filipino, “Hindi man magmana ng ari, magmamana naman ng ugali.” Gusto kong may magandang ugali na maipapamana sa akin; nagpapasalamat ako dahil doon. Pero sana naman ay mayroon ding pamanang ilang ari-ariang bunga ng kanilang karunungan at pagtitipid. Ang masaklap ay iyong wala na ngang pamanang ari-arian, pati magandang ugali ay wala pa rin. Ilang mga magulang ay may maraming bisyo at masasamang ugali?
Pinupuri ko ang Diyos sapagkat binigyan ako ng mga magulang na marurunong at may pagmamalasakit. Nang pumanaw sila, nag-iwan ang mga magulang ko ng mga ari-ariang nasa pangalan ng aming Family Business. Ang sabi kasi ng ama ko noong buhay pa siya, “Ayaw kong paghati-hatiin ang ating ari-arian at ipamana sa pangalan ng bawat isa sa inyong magkakapatid, dahil hindi lahat kayo ay marunong mangasiwa ng pera. Mabuti na lang at ikaw ay marunong humawak ng pera, subalit ang iba mong mga kapatid ay hindi. Nasanay sila na ginagastos ang lahat ng perang mahawakan nila. Kung maghihirap ang ilan mong kapatid, matitiis mo bang hindi sila tulungan?”
Tumpak ang ama ko. Inilagay niya ang lahat ng mga ari-arian niya – bahay, lupa, gusali, farm, atbp. sa pangalan ng negosyong itinatag niya. At bawat isa sa aming magkakapatid ay binigyan ng pantay-pantay na “share.” Sabi pa ng papa ko, “Huwag ninyong ibebenta ang anumang ari-arian natin. Kung naliliitan kayo sa dibidendo sa katapusan ng taon, palakihin pa ninyo ang negosyo, at hindi ibebenta.”
At ganoon nga ang ginawa naming magkakapatid, kaya sa biyaya ng Diyos ay walang naghihirap sa amin.
Para sa akin, ang ama’t ina ko ay mga modelong mga magulang. Magaganda ang ugali nila at nag-iwan pa ng pamanang ari-arian. Ang ama ko ay walang bisyo kahit isa – hindi nanigarilyo, uminom, nagsugal, o nambabae. At ubod pa siya ng sipag. Mayroong panahong tatlo-tatlo ang trabaho niya para mabuhay ang kanyang malaking pamilya. Ang nanay ko ay ganoon din. Nag-aral siya sa paaralan ng pagmamadre, subalit hindi niya ipinagpatuloy.
Napaka-relihiyosa niya. Nag-aral siya ng dress-making, at nagtayo ng negosyo ng pananahi kahit na noong dalaga pa siya. Siya ang bumuhay sa pamilya ng tatay niya noong panahon ng giyera dahil walang mga trabaho at suweldo ang mga tao noon. At nagtayo ang ama at ina ko ng family business na ipinamana sa aming magkakapatid.
Pinagtapos nila sa kolehiyo ang labintatlo nilang mga anak. Labis akong nagpapasalamat sa kabutihan ng aking mga magulang. Ang hindi nila kayang maibigay sa amin ay ang pagkakaroon ng mabuting asawa.
Balewala sa kanila kung makakapag-asawa kami o hindi. Sa ibang kultura – gaya ng sa mga Judio at Indiyano – pati pag-aasawa ng mga anak ay mga magulang ang nag-aareglo. Subalit wala itong garantiya na magtatagumpay ang pag-aasawa nila. Kahit pag-aasawa ng mga Judio at Indiyano ay maaaring mauwi sa hiwalayan.
Ang sabi ng Bibliya, “Ang mabuting asawa ay pamana ng Diyos.” Nakalulungkot dahil mayroon akong isang kapatid na ang pag-aasawa ay nasira. Naghiwalay silang mag-asawa makalipas ng tatlumpung taong pagsasama. Ang pag-aasawa ng ilan kong mga pinsan ay ganoon din ang masaklap na nangyari. Kadalasan, ang problema ng mga mag-asawang naghiwalay ay “pride” o katigasan ng puso.
Para maiwasan ang pagkasira ng pag-aasawa, iniutos ng Diyos na ang isang mananampalataya sa Diyos ay dapat mag-asawa ng kapwa mananampalataya sa Diyos. Iyan ang pinaka-importanteng “requirement” ng Diyos. Kilala ng Diyos ang puso ng bawat isang tao. Alam Niya ang kalakasan at kahinaan ng bawat nilalang. Ang sabi ng Bibliya, ang Diyos ay may inihahandang kapartner na angkop na angkop sa bawat tao. Ang Diyos ang nagbubuklod sa lalaki at babae para sila ay maging isang laman. Importanteng mananampalataya ang kapartner para malakas ang kapit ng kanilang pagsasama. Kung magkakasala man ang isa sa kanila, maaaring mangusap ang Diyos sa may-sala para magsisi. Nangungsap ang Diyos sa kanilang dalawa para magpakumbaba at magpatawaran. Kung hindi mananampalataya ang isa sa kanila, pag nagkasala iyon, dahil walang takot sa Diyos ang taong iyon, mamamayani ang katigasan ng puso. Hindi siya makausap ng Diyos para magpakumbaba at magpatawad o humingi ng patawad.
Kaya tuloy, nauuwi sa matinding away at paghihiwalay.
Sinabi rin ng Bibliya na alam ng Diyos ang ating pangangailangan bago pa natin hilingin ito sa kanya. ‘Pag nakita ng Diyos na kailangan natin ng asawa, at makabubuti ito para sa atin, pamamanahin Niya tayo ng mabuting asawa – isang taong makakatugon sa ating pangangailangan. Kung nakita ng Diyos na makakasira sa isang anak niya ang pag-aasawa, at madudungisan ang pangalan ng Panginoon kapag sila ay maghihiwalay, maaaring ang pamana ng Diyos sa taong iyon ay ang tinatawag na “single blessedness” (pinagpalang pag-iisa). Ang pag-aasawa at single blessedness ay parehong regalo ng Diyos. Hindi para sa lahat ang pag- aasawa at hindi para sa lahat ang pag-iisa.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)