TURO NI HARING SOLOMON: ANG MGA MAPAGPAKUMBABA AY PINAYAYAMAN

“ANG gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon ay kayamanan, karangalan, at buhay.” (Kawikaan 22:4) 

Sa totoo lang, walang dahilan para magyabang at magmataas ang sinuman dahil napakadaling mawala ang lahat ng kayamanan. Isang ihip lang ng Panginoon at mawawala na ang lahat.

Ang tanging may kontrol sa lahat ng bagay sa daigdig ay ang Diyos. Sa alabok nanggaling ang tao at sa alabok din magbabalik. Sabi nga ng isang kasabihang Chino, “At birth we bring nothing, at death we take away nothing.” (Nang ipanganak ang tao, wala siyang dala; at kung mamamatay siya, wala siyang madadala.”

Ang lahat ng kayamanang ating makakamal sa ibabaw ng mundo ay iiwan nating lahat kapag tayo ay mamamatay na.

Iyan ang dahilan kung bakit walang dahilan para magyabang ang sinumang tao, mayaman man siya o mahirap. Dahil sa katotohanang ito, dapat ding magkaroon ng takot sa Diyos ang lahat ng tao.

Sa kanya nagmumula ang lahat, at Siya rin ang may kapangyarihang magtanggal ng lahat.

Masarap maging kakampi ang Diyos, subalit nakakatakot Siyang maging kaaway. Mayroon Siyang katuruan para tumanggap tayo ng Kanyang pagpapala. Ang sabi ng Bibliya,

“Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6). Sa Bibliya, mababasa ang kuwento ni Haring Saul, ang unang hari ng Israel. Dati ay walang hari ang bansang ito; mayroon lang silang isang Hukom na namumuno sa pangalan ng Diyos. Siya ay isang ordinaryong mamamayang naghahanapbuhay gaya ng lahat ng Israelita. Hindi nagbabayad ng buwis ang Israel sa hukom; lahat sila ay mapayapang naghahanapbuhay.

Nagkakaisa lang sila sa kanilang pananampalataya sa tunay na Diyos. Kapag may kaaway ang Israel na nang-aapi sa kanila, pinupuspos ng Espiritu ng Diyos ang hukom at siya ang nag-oorganisa sa mga Israelita na maging isang hukbo na pinamumunuan ng hukom para kalabanin at palayasin ang mananakop na kaaway. Noong panahong ang hukom ng Israel ay si Propeta Samuel, may mga hari ang mga bansang nakapaligid sa kanila. Nainggit ang bansang Israel sa mga kapit-bansa at humingi sila ng hari mula sa Diyos.

Ang pinili ng Diyos para maging hari ay isang mapagpakumbabang taong ang pangalan ay si Saul na anak ni Kish.

Masunurin at magalang siya sa kanyang ama at mahiyain kaya siya nagustuhan ng Diyos.

Nang gawin siyang hari, nagtago siya dahil ayaw niyang magtawag ng pansin sa kanyang sarili.

Subalit nang matagal na siyang Hari, naging palalo na siya. Lumaki ang ulo niya at hindi na siya sumusunod sa utos ng Diyos. Nagtayo pa siya ng monumento para sa kanyang sariling karangalan. Dahil sa kanyang pagiging palalo, tinanggal siya ng Diyos bilang hari at ipinalit sa kanya ang mapagpakumbabang si David.

Naaalala ko, may nakilala akong isang Filipino manager na ubod nang palalo. Isa akong guro noon sa Unibersidad ng Pilipinas-Institute of Industrial Relations. Itinutulak ng gobyerno ang pagtatatag ng Labor Management Council (LMC) sa bawat kompanya sa Pilipinas para magkaroon ng kapayapaang industriyal para umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Inimbitahan ako at si Dean Gatchalian ng Department of Trade and Industry (DTI) para magturo ng LMC sa isang French pharmaceutical company.

Ang presidente ng kompanya ay ang Filipino manager na mayabang. Noong panahong iyon, nasa rurok siya ng kapangyarihan at kayamanan. Napakataas ng ere niya. Lubos pa ang tiwala sa kanya ng mga amo niyang Pranses. Binisita namin siya ni Dean Gatchalian sa kanyang opisina sa Makati. Pinaghintay niya kami ng pagkatagal-tagal. Nang humarap na siya sa amin, mababa ang pagtingin niya sa amin; ang trato niya sa amin ay para kaming mga pulubing nanlilimos sa kanya.

Inalok namin siya ng isang libreng seminar na popondohan ng DTI para magtatag ng LMC para sa kapakanan ng kanyang kompanya.

Kung mangusap siya sa amin, pinalabas niyang walang kuwenta ang aming seminar at ang tingin niya sa amin, kami ay mga hamak lang na empleyado ng gobyernong ang suweldo ay barya-barya lang sa kanya.

Pinagtawanan niya kami at iniutos niya sa kanyang mga empleyado na tumawa; at nagtawanan naman sila. Pagkatapos, kinawayan niya ang mga empleyado para huminto sa pagtawa, at huminto naman sila.

Parang mga robot ang pagtrato niya sa kanyang mga tauhan. Sa katapus-tapusan, sinabi niya sa aming hindi niya kailangan ang libre naming seminar at sinabi pang, “Puwede na kayong umuwi.” Galit na galit si Dean Gatchalian dahil sa pagtrato sa amin.

Nagkomento siya, “Napakayabang nang taong iyan. May araw rin siya!”

Paglipas ng ilang taon, lumipat ako ng trabaho sa isang Swisong pharmaceutical company bilang manager. Naging empleyadong mas mababa sa akin ang isang babaeng ang apelyido ay kaapelyido ng mayabang na manager ng kompanyang Pranses. Inimbitahan ako at ilan pang mga kawani ng babaeng empleyado para bumisita sa bahay niya dahil kaarawan ng kanyang ama.

Pagpunta ko sa bahay nila, nakita kong ang ama pala niya ay ang manager ng kompanyang Pranses.

Natanggal sa trabaho ang manager dahil nawala na ang tiwala ng mga among Pranses. Nagretiro siya nang maaga at hindi na nagkatrabahong muli.

Nalubog sa kahirapan ang kanyang pamilya. Dahil sa kalungkutan at kabalisahan, nagka-stroke (pumutok ang ugat sa utak) siya. Kalahati na lang ng kanyang katawan ang gumagana at hindi niya makontrol ang pagtulo ng laway sa kanyang bibig. Nang binati namin siya ng “Maligayang kaarawan,” hindi na siya makapagsalita at umiyak siya. Naging isa siyang “broken man” (isang baldadong tao). Nang makita ko ang kalagayan niya, naawa ako at nagkaroon ng takot sa Diyos. Totoong ang kapakumbabaan at takot sa Diyos ay pinagmumulan ng kayamanan, karangalan at buhay.

vvv 

 (Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at magsubscribe. Salamat.)