“MAS mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.” (Kawikaan 16:8)
Ang pinsan ng misis ko ay isang seaman. Maganda ang attitude niya sa pera.
Gusto niya, ang pagyaman niya ay manggagaling sa sipag at tiyaga. Galing siya sa tahanang hindi gaanong mayaman.
Ang tatay ay empleyado sa gobyerno at ang nanay ay guro sa isang public school. Pinalaki sila na maging tapat sa gawain. Tiniis niya ang kalungkutan at mababang pagtrato ng mga dayuhang amo sa barko. Tipid siya nang tipid at ipon nang ipon. Madiskarte ang misis niya sa Pilipinas at magaling humanap ng mga oportunidad. Dahil sa magandang work ethics ng pinsan ko, patuloy siyang nataas sa puwesto hanggang maging Chief Engineer ng barko.
Ngayon, marami na siyang tauhan – Pilipino at dayuhan – na utusan niya.
Nakabili siya ng malaking lote sa subdivision at nakapagpatayo ng bahay na may dalawang palapag. Dahil malapit lang sa kampo ng mga pulis ang lote niya, nagtayo siya ng mga dormitoryong nirerentahan ng mga aplikante sa pagkapulis; kaya malaki ang extra kita niya. Nakabili rin siya ng lote sa tabing dagat. Ang harap ay ginawa niyang beach resort, at ang likuran ay ginawa niyang fishpond na may isla sa gitna na ginawa niyang parke para sa mga turista.
Nakabili rin siya ng lote sa taas ng bundok at nagtayo ng bahay kubo. Plano niyang gawing panturista ito. Dahil sa magandang halimbawa niya, ang dalawa niyang kapatid na lalaki ay sumunod sa kanyang yapak at naging mga seaman din. Lahat sila ay matitipid at mahuhusay mamuhunan. Maginhawa ang kanilang buhay at maganda ang kanilang samahan. Ang nanay nila ay retiradong guro at maginhawa ang buhay dahil sa pag-aaruga ng mga anak.
Sila ang halimbawa ng sinasabi ni Haring Solomon na “May kaunting halagang pinaghirapan.”
Samantala, mayroon akong kaibigan sa simbahang nagtapos ng abogasya mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging magaling na abogado at elder-preacher ng isang simbahang Kristiyano.
Nakapag-asawa siya ng babaeng galing sa mayamang angkan. May sabi-sabing yumaman ang pamilya ng babae dahil sa land grabbing. Ang misis niya ay matapang, malakas ang loob, at mahusay magkumbinsi. Ayaw ng misis niya ang mahirap na buhay sa Pilipinas; ang gusto niya ay maranasan ang tinatawag na “American Dream.” Kaya nag-empake sila at lumipat sa Estados Unidos. Hindi makapag-practice ng abogasya ang kaibigan ko. Para sila mabuhay, dumiskarte ang misis niya. Magaling mambola ang babae.
Nag-apply ito para maging Financial Adviser at Real Estate Agent. Nagsimula siya ng panloloko niya sa California.
Sumama sila sa iba’t ibang simbahan, nakipagkaibigan, at naghanap ng mabibiktima. Inalok ng misis ang maraming taong mamuhunan sa mga bago at magagarang bahay. Marami ang naging kliyente niya. Ang bayad ng mga kliyente ay hindi niya ibinigay sa kompanya, kundi ay ibinulsa niya. Ipinasok niya sa mga mamahaling paaralan ang tatlong anak nila. Nagbuhay mayaman sila. Ipinagmalaki nilang naabot nila ang American Dream.
Kapag wala na silang malokong tao o kaya ay nabisto na sila, lumilipat sila ng ibang lugar sa America. Lumipat sila sa Texas. Ganoon din ang modus operandi ng misis niya – sasama sa maraming simbahan, makikipagkaiban, kukunin ang 8wala ng mga tao, aalokin ng real estate property, ibubulsa ang pera, at magbubuhay milyonaryo. Pag nabisto na, lalayas na naman. Mula sa Texas, lumipat sila sa Chicago; pagkatapos ay sa New York; at pagkatapos ay sa Florida.
Nagtapos sa mga mahuhusay na paaralan ang mga anak nila. Samantala, namumuo ang galit ng kaibigan ko sa misis niya. Hindi niya nagugustuhan ang ginagawa ng misis niya; subalit wala siyang magawa dahil sobra ang tapang ng kanyang asawa. Nang mabisto na sila sa Florida, patong-patong na ang mga kasong hinaharap nila. Naging “wanted criminals” na sila sa buong Estados Unidos.
Hindi na sila maaaring manatili roon. Nagplano silang bumalik ng Pilipinas at doon naman gagawin ng misis ang karumaldumal niyang gawain. Lumipad sila sa London, Ingglatera at nanatili sa isang hotel.
Sobra na ang galit ng kaibigan ko sa misis niya. Nag-away sila at pumutok na parang bulkan ang kaibigan ko. Sabi niya, nagdilim ang paningin niya, binugbog ang asawa hanggang mawalan ito ng malay at duguan. Sumuko siya sa kapulisan ng Ingglatera. Nakulong siya. Ang misis niya ay ginamot sa ospital at dinala sa Pilipinas. Naging baldado na ang misis niya, inatake sa puso at namatay.
Matapos ang ilang taong pagkabilanggo, pinalaya ang kaibigan ko at umuwi ng Pilipinas. Ngayon, nag-iisa na lang siya, walang pamilya at walang tirahan; umaasa na lang siya sa habag ng mga kaibigan. Napakalaking trahedya ang nangyari sa kaibigan ko. Tama ang sabi ni Solomon, huwag tayo maging mga taong “may malaking kayamanang galing sa masamang paraan.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)