“ANG kayamanan ng mayama’y matibay niyang tanggulan, ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.” (Kawikaan 10:15)
Ang salapi ay hindi mabuti o masama; depende ito sa taong gumagamit nito. Ang kutsilyo ay hindi mabuti o masama. Sa kamay ng nagluluto, maaaring gamitin ito sa mabuting paraan tulad ng paghahanda ng pagkain; subalit sa kamay ng mamamatay-tao, maaaring gamitin ito sa pananakit o pagpatay. Ganoon din ang apoy. Nagdudulot ito ng maraming pakinabang sa atin – niluluto ang ating pagkain at nagbibigay-init sa panahong napakalaming; subalit maaari rin itong maghatid ng malaking kapahamakan, gaya ng pagsunog ng buong kabahayan.
Ganoon din ang kayamanan. Ang kayamanan, sa kamay ng mabuting tao, ay malaking pagpapala. Subalit ang kayamanan, sa kamay ng masamang tao, ay malaking sumpa.
Hindi magandang maging mukhang pera. Hindi mainam ang maging sugapa sa salapi. Dapat ingatan natin ang ating puso. Ang pera ay hindi dapat mamahalin. Ang dapat mahalin ay ang Panginoong Diyos. Dapat hanapin natin ang Kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran, at ang kayamanan ay Kanyang idadagdag sa atin. (Tingnan sa Mateo 6:33). Subalit marami talaga ang pakinabang kung mayroon kang kayamanan. Ang sabi ni Haring Solomon, “Ang kayamanan ay matibay na tanggulan ng mayaman.” Maaaring magamit ng mayaman ang kanyang pera para makapagtayo ng mga negosyo, makapagbigay trabaho sa maraming walang trabaho, magbayad ng buwis sa gobyerno, magbigay-tulong sa mga nangangailangan, at magkaroon ng maraming kakamping tutulong at susuporta sa panahon ng kagipitan. ‘Pag ginamit sa mabuti ang salapi, maaari itong maging kaligtasan para sa sarili at sa ibang tao.
Ang hindi maganda ay kung magiging abusado ang isang mayaman at gagamitin niya ang pera niya para mang-api ng mahihirap. May mga masasamang mayamang nag-aarkila ng mga private army o “goons” para magyabang at mang-api ng mahihirap. Naalala ko isang araw, galing ako sa aking tahanan, kasama ko ang pinsan ng aking asawa at papunta kami sa tindahan para mamili ng ilang pangangailangan sa bahay. Tahimik at maingat akong nagmamaneho ng sasakyan sa kalsada. Walang ano-ano, may isang kotseng Mercedes Benz na kasunod ng ilang SUV sa likuran ko.
Hindi ko alam na kasama pala ng unang kotse ang mga nasa SUV. Mukhang nagmamadali sila. Ang nakasakay sa Mercedes Benz ay bumusina ng malakas at paulit-ulit sa aking sasakyan na gusto niyang pilitin akong tumabi para bigyan siya ng daan. Kaya dahan-dahan akong tumabi habang patuloy na nagmamaneho.
Sa kabila ng aking ginawang pagbibigay-daan sa kanya, patuloy pa rin siyang nagbubusina nang malakas at paulit-ulit na akala mo ay siya ang may-ari ng daan. Kaya pagdaan niya, sumigaw ako, “Hoy, ang ingay mo naman.” Bigla niyang ipinara sa harap ng aking sasakyan ang kanyang Mercedes Benz at lumabas siya.
Isa siyang matandang lalaki na may kasamang babaeng batang-bata na ubod ng seksi. Mukhang kerida ng matanda ang babae at nagpapakita siya ng gilas sa kasama niya. Sumigaw siya sa akin, “Bakit ka sumisigaw?” Sumagot ako, “Tumabi na nga ako e, busina ka pa nang busina riyan.” Sumagot siya uli, “E ano ngayon ang gusto mo? Away?” Parang hinahamon niya ako ng suntukan. Kaya bumaba ako, nagtanggal ng relo ko at sinabi, “Iyan pala ang gusto mo a? O sige.” Napaurong iyong lalaki at sinabi, “Aba, lalaban pala ito a.” Tapos binitawan niya ang tuwalya na nasa kamay niya. Signal pala iyon para sa kanyang mga bodyguard na nasa SUV sa likuran ko para ipagtanggol siya. Lumapit ang isang bodyguard sa akin at bumulong, “Pare, tama na iyan. Kasama namin iyan.” Sumagot ako, “E tumabi na nga ako e, at ang yabang-yabang pa rin niya.” Sinabi ng bodyguard, “Sige na po, sumakay na kayo sa sasakyan ninyo.”
Sumakay ako sa sasakyan. Nilapitan ng mga bodyguard ang matanda at pinasakay sa kanyang kotse at kumaripas na sila ng alis. Makalipas ang ilang araw, nadiskubri ko na siya pala ang nakatira sa isang mansyon sa kabilang subdivision at may-ari ng isang matagumpay na Security Guard Agency. Marami siyang kapartner sa negosyo na mga retiradong heneral ng kapulisan. Makalipas ang ilang taon, inimbitahan ako ng HR manager ng kanyang kompanya para magpatupad ng isang programa para sa kanyang empleyado. Noong panahon iyon, pabagsak na ang kanyang negosyo. Ang mga dati niyang kapartner na mga dating heneral ay naging kagalit niya at inuusig siya.
Nagkakagulo na sa kanyang kompanya. Nagbibitiw na sa trabaho ang marami niyang empleyado. Naging bagbag na ang kalooban niya. Siya ay isang halimbawa ng taong yumaman subalit naging hambog, at handa niyang gamitin ang kayamanan at kapangyarihan niya para mang-api ng mahirap. Dahil nang-abuso siya sa kayamanan, tila pinarusahan siya ng Diyos. Nagbibigay ang Diyos; at maaaring bumawi rin ang Diyos. (Job 1:21)
Sinabi rin ni Solomon, “Ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.” Kawawa naman ang mga mahihirap. Wala silang kayamanang puwedeng gamiting pagtatanggol. May ilang mahirap na inapi at nang maghabla sila sa korte, natatalo sila dahil wala silang perang pang-arkila ng magagaling na abogado na maaaring magtanggol sa kanila. Kung payayamanin tayo ng Diyos, huwag tayong maging abusado o mapang-api. Gamitin natin ang kayamanan natin para sa paggawa sa mabuti.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)