TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING MAHILIGIN SA KALAYAWAN

“ANG umiibig sa kalayawan ay magiging dukha; ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.” (Kawikaan 21:17)

Para kay Haring Solomon, dalawa lang ang uri ng tao sa mundo —  ang marunong at ang hangal (the wise man and the fool). Maraming kaibahan ang dalawang taong ito. Isa sa pagkakaiba nila — ang marunong ay may pagpipigil sa sarili; subalit ang hangal ay wala nito. Kung ano ang magustuhan ng hangal, hindi niya ipagkakait sa kanyang katawan. Kung ano ang hinahangad ng kanyang puso, kanyang ibibigay nang walang pasubali. Wala siyang tinatanggihang sarap at luho ng katawan. Nauubos ang pera niya, nababaon sa utang, at nahuhulog sa karalitaan dahil sa kawalan ng pagpipigil sa sarili. Samantala, madalas yumaman ang mga marurunong na tao dahil sa kanilang pagpipigil sa sarili. Ang paniwala nila —  hindi komo gusto ng katawan ng isang bagay na makapaghahatid ng sarap ay agad-agad nilang ibibigay sa sarili. Iniisiip muna nila kung mayroon ba itong maaaring idulot na kasamaan sa kanila paglipas ng panahon. Ang resulta nito, nakakaipon at yumayaman sila.

Napaka-lohikal ng pangungusap ni Haring Solomon. Matalas at tumpak ang pagmamasid niya sa buhay.

Naobserbahan niya na ang mga taong mahilig sa kalayawan, alak at langis ay hindi yumayaman. Sa wikang Inggles, ang kalayawan ay “pleasure,” na ang ibig sabihin ay isang pakiramdam ng sarap at kasiyahan. Samu’t saring bagay ang naimbento ng mga tao para magbigay sa kanila ng kasiyahan ng katawan; ang karamihan sa mga ito ay mga bisyo gaya ng alak, babae (o lalaki), sigarilyo, droga, sugal, laro, shopping, atbp.

Mayroong pilosopiyang tinatawag na “Hedonism” o “Epicureanism.” Ang hedonismo ay ang paghahangad ng kasiyahan at senswal na pagpapakasaya sa sarili. Ang motto nito ay “Eat, drink, and be merry, for tomorrow we die.”

(“Kumain, uminom, at maging masaya, dahil bukas ay mamamatay tayo.”). Ang ibig sabihin naman ng epicureanism ay debosyon sa kasiyahan, kaginhawahan, at maginhawang pamumuhay.

Ang kabaligtaran ng hedonismo ay ang pilosopiyang stoicism. Ang istoikismo ay isang pananaw na naniniwalang ang pagsasagawa ng mabuting asal ay sapat na upang makamit ang isang maayos at maunlad na buhay; at ang mga kabutihang asal na pinapairal nila ay ang pagpipigil sa sarili, pagtitiis, at pagtatanggi sa kalayawan.

Ang matalino kong Lola Irene ay gaya ng stoic na tao. Grabe ang pagtanggi niya sa buhay-sarap. Ang kasabihan niya ay “pag nauna ang ginhawa, nasa huli ang hirap; at pag nauna naman ang hirap, nasa huli ang ginhawa.” Itinuro niya sa akin noong bata pa ako, “Huwag mong isiping mayaman ka para hindi ka mamimihasa.” Ang paniwala kasi niya, kapag nasanay sa hirap ang tao, magiging mapagpasalamat siya kahit sa mga mumunting biyaya.

Subalit kapag nasanay sa luho, kahit ang dami nang biyaya, malungkot at nagrereklamo pa rin. Ang isang bata raw na pinamihasa, kahit piniritong manok na ang ulam, hindi pa rin kontento. Subalit ang batang lumaki sa hirap at pagtitiis, kahit tuyo lang ang pagkain, tuwang-tuwa at nagpapasalamat na. Noong araw, tinatawag ang Lola Irene ko na “Donya Irene.” Marami siyang ari-ariang mga apartment. Subalit kailanman, hindi ko siya nakitaan ng kaluhuan.

Iisa lang ang damit niyang panlabas – isang itim na saya ka kung masisira, hindi siya bibili ng bago, ipapaayos at ipapasulsi niya sa mga katulong niya. Kahit kaya niyang bumili ng mamahaling sasakyan, kontento na siya sa isang simpleng dyip; at mayroon siyang tsuper na nagmamaneho para sa kanya. Lagi siyang nagpupunta sa Divisoria para mamili ng mga prutas na dagsa sa panahon para murang-mura ang presyo. Pinaghahati-hati niya ang mga prutas na ito sa kanyang limang anak at kanilang pamilya; at ang iba ay inireregalo niya sa mga umuupa sa kanyang mga apartment.

Samantala, mayroon akong kamag-anak na hindi sumunod sa katuruan ng aking matalinong Lola. Mahilig siya sa sarap at ginhawa. Nag-asawa siya ng babaeng ganoon din ang pananaw sa buhay. Laging namamasyal sila sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas o sa labas ng bansa para magpasarap. Ang paniwala nila, lahat ng kanilang pera ay para lamang sa kanilang dalawa; wala silang planong mag-iwan ng pamana sa kanilang mga anak; bahala na raw ang mga itong humanap ng ikabubuhay nila. Kung naging pareho nila ang paniwala ng aking Lola at mga magulang, wala na sana siyang ari-ariang minanang ngayon ay pinakikinabangan niya. Kawawa naman ang mga anak niya.

Wala siyang pagpipigil sa pagkain ng masasarap na ulam. Dahil hindi mahilig magluto ang asawa niya, lagi silang lumalabas para kumakain. Kaya, hindi kataka-taka na lagi silang kulang sa pera at umuutang. Ang masaklap, natutukso pa silang manloko ng kapwa-tao. Nagbukas sila ng negosyong nag-aalok ng serbisyo sa mga kustomer.

Nang inarkila sila ng ilang kustomer, at nang makabayad na ang mga ito ng “goodwill money” (paunang bayad), ginagastos nila ang perang iyon at hindi nila hinahatid ang serbisyong ipinangako nila, at pagkatapos ay magtatago sila mula sa mga galit na kustomer. Ang problema nila ay bunga ng hindi nila pagtupad sa katuruan ng matalinong si Haring Solomon, “Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha, ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.”

vvv
 (Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)