TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING MAHILIGIN SA TULOG

“Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan, kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay? Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,samantalang namamahinga ka ang kahirapa’y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.” (Kawikaan 6:9-11).

Ayon sa turo ni Haring Solomon, ang pagyaman ay nagmumula sa kasipagan at kahusayan sa trabaho. Kaya, paanong yayaman ang isang taong mahiligin sa tulog? Sa talata sa Bibliya na nasa itaas, idiniin ni Solomon na sa taong mahiligin sa tulog, dumarating ang kahirapan na gaya ng isang magnanakaw; kinukuha nito ang lahat ng yamang ari-arian ng taong matulugin. Kung ang trabaho ay pintuan para sa pagyaman, ang pagtulog naman ay pintuan para sa karalitaan.

Sa biyaya ng Diyos, ginawa niya akong isang taong mahilig sa trabaho noong kalakasan ko. Nakuha ko ang ugaling ito sa aking masipag at matalinong lola.

Nang ako ay bata pa, hindi niya gusto na puro laro ang inaatupag ng kanyang mga apo. Gusto niya ay matuto kaming magtrabaho sa gawaing bahay. Ang lola ko ay may-ari ng isang malaking compound sa may EDSA, Cubao. Ang lima niyang anak ay nakatira sa kanya at siya ang gumagastos para sa aming pagkain, koryente, tubig at pabahay.

Ginawa niya ito para makatipid at makaipon ang kanyang mga anak; at balang araw ay makapagsarili na sila. Ang negosyo niya ay maraming paupahan; kaya niyang tustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak at ang kanilang pamilya. Nakatira kami sa bahay na pinagawa ng lola ko sa ibabaw ng kanyang garahe. Sa pagitan ng bahay namin at bahay ng lola ko ay isang maluwag na lugar kung saan kami naglalaro, at may mahabang driveway para sa mga sasakyan.

Mahilig kaming maglaro ng habulan ng aking mga kapatid at pinsan. ‘Pag masyado kaming maingay, sumisigaw ang lola ko para papasukin kami sa kanyang kuwarto at inuutusan niya kaming maghilot sa kanya. Nangangaral siya sa amin ng kanyang mga karunungan. Ang turo niya, “Ang taong walang ginagawa ay nakakaisip ng masama,” “huwag maging batugang tao, walang magawa sa buhay mo,” at “walang sekreto ang ating angkan kundi ang katipiran.”

Dahil masarap akong maghilot, madalas niyang bigyan ako ng diyes sentimos para ilagay sa aking alkansya. Lagi rin niya kaming inuutusang mag-ayos ng mga gamit sa compound.

Pinasasalansan niya sa amin ang mga lumang kahoy sa kanyang bodega para magamit pa sa mga darating na araw, at pinagmamartilyo niya kami ng mga baluktot na pako para magamit sa mga susunod niyang proyekto.

Noong ako ay nagtrabaho sa Makati noong 1989 hanggang 1995, dala-dala ko ang ugaling itinuro sa akin ng lola ko. Habang ako ay nag-oopisina mula alas-8 hanggang alas-5 n.h., sa gabi naman ay nagtuturo ako sa College of Saint Benilde (CSB) sa Taft Avenue mula alas-6 hanggang alas 9 n.g.

‘Pag may bakasyon, tumatanggap din ako ng gawaing consultancy para sa mga kliyente ko mula sa gobyerno o pribadong sektor. At sa Linggo naman, dinadala ko ang buo kong pamilya sa lugar ng Old Balara, Quezon City; ang misis ko ay guro sa Sunday school at ako naman ay mangangaral sa gawain ng pagsamba. Kaya, parang mayroon akong apat na trabaho noong panahong iyon. Dahil dito, sobra sa sapat ang aking kita, kaya malaki ang aming ipon. Di nagtagal, nakabili ako ng isang farm sa Batangas na naging bakasyunan ng aking pamilya tuwing Mahal na Araw, Araw ng mga Patay, Pasko, at Bagong Taon.

Pag may araw na hindi ako nagtuturo sa CSB, uma-attend naman ako sa Toastmasters Club para malinang ang aking kakayahang magsalita sa publiko. Walang suweldo ito subalit libreng pagsasanay para sa akin.

Pag-uwi ko sa bahay mula sa trabaho, kung minsan ay alas-10 o alas-11 na ng gabi. Minsan, tumira sa aming bahay ang biyenan kong babae nang magbakasyon siya mula America. Noon ay may proyekto ang misis ko sa ibang bansa. Pag-uwi ko ng alas-10 n.g., nagtatanong ang biyenan ko dahil akala niya ay ginagabi ako dahil nakikibarkada ako sa mga taong manginginom, o kaya ay mayroon akong ibang babaeng sinasamahan tuwing gabi. Ang misis ko ang nagpaliwanag sa kanya na hindi ako ganoong tao. Kaya, humanga ang biyenan ko. Sinabi niya, “Ibang-iba si Rex sa tatay mo.”

Noon ay natutulog ako mula alas-12 hanggang alas-6 ng umaga. Pagkagising ko, pasok na naman sa opisina. Ganito ang laging gawain ko. Hindi ako mahilig sa tulog. Mahilig ako magtrabaho. Napag-isip-isip ko, mayroong 24 oras sa isang araw. Natutulog ang karaniwang tao ng walong oras. Nagtatrabaho siya ng walong oras din. Mayroon pang natitirang walong oras. Anuman ang ginagawa natin sa pangatlong “8 oras” ay magbubunga ng kaunlaran o karalitaan para sa atin. Ang payo ni Solomon ay maging masipag at huwag maging mahiligin sa tulog. Kaya, ang pangatlong “8 oras” ko ay ginamit ko pa rin sa produktibong gawain para guminhawa ang buhay ng aking pamilya.