TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGING MASALITA

“ANG bawat pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.” (Kawikaan 14:23)

Sabi ng salawikaing Filipino, “Labis sa salita, kapos sa gawa.” Ang mga taong masalita ay madalas maging mahirap dahil nauubos ang panahon at enerhiya sa pagdadaldal sa halip na sa pagbabanat ng buto. Sabi naman ng pilosopong si Kong Fu Tze, “A great man seeks to be slow of speech but quick of action.” (Sinisikap ng dakilang tao na maging mabagal sa salita subalit mabilis sa gawa). Binigyan tayo ng Diyos ng dalawang kamay at isang dila. Hindi ba nangangahulugan iyan na gusto ng Diyos na doble ang sipag natin sa pagtatrabaho kaysa sa pagsasalita?

Ikumpara mo ang mga umaasensong tao sa mga nagdadalita – kadalasan ang mga umaasenso ay mapagmahal at mahusay sa trabaho; samantala ang mga nagdadalita ay mahilig makipagtsismisan, makipagkuwentuhan at manira ng kapwa-tao. Marahil dahil ayaw nilang magtrabaho, marami silang sobrang panahon. Dahil sa pagkabagot sa buhay, naghahanap sila ng mga kasamang mayroon ding ganoong sobrang panahon, at inuubos nila ang araw nila sa pagdadaldalan.

Dati akong guro sa isang batikang paaralan. Sa totoo lang, parang sobra-sobra ang oras ng mga guro dahil ang iskedyul nila ng pagtuturo ay ilang oras lamang sa isang araw. Kaya gusto sana ng administrasyon na ang mga guro ay mag-ukol ng maraming panahon sa pananaliksik o paggawa ng “extension work” o consultancy, bukod sa pagtuturo. Ang pananaliksik at consultancy ay nagpapalapad ng karanasan at kaalaman ng mga guro para maging napapanahon at kaaya-aya ang kanilang itinuturo; at huwag dapat sila aasa lang sa mga nababasang aklat. Kaya ang ginawa ko noon, gumagawa ako ng aktibong pananaliksik sa buhay ng mga maralitang Pilipino. Nakikipanirahan at nagbabahay-bahay ako ng pagdalaw at pagmamasid sa kanilang ginagalawang buhay. Ginagawa ko ito habang nagbibigay ako ng mga libreng pagtuturo sa kanila. Bukod dito, marami akong imbitasyon sa iba’t ibang mga kliyenteng kumpanya para magpatupad ng mga programa. Ang paborito kong metodo ng pagsasanay ay experiential exercises, na sa pamamagitan ng mga group dyn
amics o larong pang-edukasyon, natututo sila kung paanong magkaroon ng epektibong pakikisalamuha at pagtutulungan. At habang naglalaro ang mga kalahok ko, ako naman ay aktibong nagmamasid sa kanilang kilos at pagpapasiya, kaya lumalawak ang kaalaman ko sa wastong proseso ng pangangasiwa ng tao. Sa mga programa ko, hindi ako puro salita o lecture lamang; kundi ako ay punong-puno ng aksyon. Natutuwa ang mga mag-aaral ko sa aking pamamaraan at lalong dumadami ang aking kaalaman.

Samantala, mayroon akong ilang kapwa-guro na ang tanging metodo ng pagtuturo ay lecture o pagbabahagi ng mga nabasa nila sa mga libro. Masyadong teyoretikal ang pagtuturo nila. Nababagot ang mga mag-aaral nila. Kapag sinukat ang husay namin sa pagtuturo, laging mataas ang ebalwasyon sa akin at mababa ang gradong ibinibigay sa ilang kapwa-guro ko. Nakakalungkot na marami sa kanila ay nagselos o nainggit sa akin. Nagsabwatan pa ang ilan para usigin ako. Sinabi ng isa kong kaibigang katrabaho, “Pagpasensiyahan mo na lang sila; naiinggit e. Binabato ang punong mangga na maraming bunga.” Ngayon, malayo na ang nalakbay ko sa aking propesyon, subalit hanggang ngayon, ang ilang mapanirang guro ay naroroon pa rin sa lumang paaralan namin, tumanda na, magreretiro na, at wala pa ring sariling bahay at lupa.

Si Haring Solomon ay hindi masalita; kundi punong-puno ng pagsisikap at paggawa. Marami siyang mga kapatid na kapwa prinsipe ng Kaharian ng Israel. Ang mga kapatid niya ay mga laki sa layaw. Dahil sobra-sobra ang panahon, nakaisip silang gumawa ng gulo. Ang isa ay nanggahasa ng kapatid, ang isa ay nagrebelde at gustong patalsikin ang sariling amang hari, ang isa ay gustong mang-agaw ng asawa ng kanyang ama, ang isa ay pumatay ng kapatid, ang isa pa ay gustong mang-agaw sa kaharian at ipapatay ang katunggali niyang si Solomon. Tunay na ang katamaran ay nagbubunga ng maraming kasamaan; samantala ang kasipagan ay nagbubunga ng katalinuhan at maraming natatapos na gawain. Nang bata pa si Solomon, ginugol niya ang panahon niya sa pakikinig sa mga pangaral ng kanyang magulang at pag-aaral ng banal na kasulatan. Nang maging hari na siya, ginugol niya ang panahon niya sa paggawa ng mga dakilang proyekto. Nagpatayo siya ng templo ng Diyos, nagpagawa siya ng kanyang palasyo, gumawa siya ng maraming lungsod-kama
lig na imbakan ng kanyang maraming ari-arian at mga pagkaing bunga ng lupa. Nagpagawa siya ng mga parke, patubigan, halamanan, sakahan, at taniman ng mga punong-kahoy. Nagpagawa siya ng mga barkong pandagat na isinugo niya sa malalayong lugar para makipagkalakalan at mag-angkat ng maraming ginto at mamahaling kahoy. Kaya noong panahon niya, naging parang kasing dami ng bato ang mga ginto’t pilak. Naging pinakamayamang bansa ang Israel sa panahong iyon. Kung nauupo siya para maghukom sa kanyang bayan, labis na kinatatakutan at iginagalang siya dahil hindi siya masalita. Ang sabi ng Bibliya, isang titig lang niya, nanginginig sa takot ang mga may-sala. Tuloy, walang nangahas na gumawa ng masama. Nakakatakot siyang humatol dahil halos wala siyang salita, aksyon agad – parusa o gantimpala. Gumaya tayo kay Solomon, “hindi masalita, kundi puno ng gawa” para tayo umasenso.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)