TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MAGTIWALA SA KAYAMANAN

“ANG MGA kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng kapootan, ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.” (Kawikaan 11:4)

Noong bata pa ako, lagi akong nagpapakuwento sa aking nanay na may maraming karanasan noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa ilalim ng administrasyon ng mga Amerikano, pinamihasa ang mga Pilipino. Dahil sa paghahangad ng America na mapamunuan ang mga Pilipino na wala masyadong pag-aalsa o pakikilaban, naging “generous” ang mga Amerikano sa mga Pilipino. Habang hinuhuthot nila ang kayamanan ng Pilipinas, nagbigay sila ng libreng edukasyong pampubliko at libreng pagpapagamot. Nagpagawa sila ng maraming magagarang gusali, mga kalsada at tulay. Hangang-hanga naman ang mga Pilipino. Hindi nila alam na ang mga ginto ng ating kabundukan ay hinahakot ng mga Kano at inililipat sa kanilang bansa. Lumikha ang mga Amerkano ng mga “Middle Class” na mga Pilipino na pinag-aral sa mga paaralan sa Estados Unidos, tinuruan ng wikang Ingles, at hinubog ang mga isip para maging tagapagtanggol ng interes ng mga Amerkano. Habang mahihirap ang mga masang Pilipino, may malakas na Middle Class o mga mayayamang Pilipino na may isip at kilos-Amerkano. Kaya tinawag silang mga “brown Americans” – mukhang Pilipino subalit utak-Amerkano.

Ang ipinaglalaban nila ay ang interes ng mga dayuhan. Kung may hangad man silang maging malaya ng Pilipinas mula sa kamay ng mga Amerkano, subalit ang mga polisiya nila ay pawang pro-American. Wala tayong independent foreign policy. Naging tuta o sunud-sunuran lang tayo sa mga Amerikano.

Dahil naging “spoiled” ang mga Pilipino, nang dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig, maraming PIlipino ang nahirapang makibagay sa bagong sitwasyon. Ubod nang isktrikto ang mga Hapon, ang bagong mananakop. Matindi at malupit ang kanilang paraan ng pagdisiplina. Ang daming mga dating mayamang Pilipino ang biglang naghirap. Ang kayamanan nila ay hindi naging epektibong depensa sa panahon ng paghihirap. Nang nasa ilalim ng mga Hapon ang bansa, nawala ang mga trabaho. Nagsara ang mga paaralan, mga opisina, at mga pabrika sa loob ng tatlong taon. Dahil walang trabaho, walang kita ang mga tao, at tuloy, wala silang makain. Ikinuwento ng nanay ko sa akin, sa mga kalsada ng Maynila, ang daming mga pulubi. Pagdaan mo sa umaga, buhay pa iyong mga pulubing nanlilimos. Pag-uwi mo sa hapon, makikita mong patay na ang mga pulubi dahil sa kagutuman.

Nilalangaw na ang mga bangkay nila. Dalaga pa ang nanay ko, naghahanap-buhay na siya para sa kanyang pamilya. Nawalan ng trabaho ang kanyang ama at kuya. Mahusay na mananahi ang nanay ko; ang kita niya sa kanyang pananahi ang ikinabuhay ng kanyang pamilya. Ang nanay niya ay nagtinda rin ng balot-balot – isang sandok ng kanin na pinatungan ng ulam na adobo at kamatis at nakabalot sa dahon ng saging.

Ang ama ko ay estudyante pa lang sa UP. Nang pumutok ang digmaan, nahinto siya sa pag-aaral. Pinapunta siya ng nanay niya, kasama ang kuya niya, sa probinsya sa Bicol. Namili sila ng asin at bigas, isinasakay sa tren, at habang nakasabit sila sa tren, hinahatid nila ang mga asin at bigas sa Maynila. Dahil walang pagkain sa Maynila at nagkakagutom-gutom ang mga tao, naging magandang negosyo ang pagbebenta nila ng mga pagkaing ito. Ang Lola ko sa ama ay isang matalinong tao. Nagmay-ari siya ng lupa sa Masbate at nag-alaga siya ng ilang baka. Madalas dumating ang mga Hapon at humihingi ng donasyong mga baka para gawing pagkain ng kanilang hukbo. Nalulugi ang Lola ko. Kaya iniutos niyang pakawalan sa gubat ang mga baka. Naging mailap ang mga baka at mahirap hulihin. Pagbalik ng mga Hapones, kailangang hulihin muna nila mula sa gubat ang mga pagkaing hayop.

Ang isa kong lolong tiyo, si Dr. Jose, ay isang de-kamapanilyang dentista. Nag-aral siya ng dentistry sa Estados Unido. Bago magkagiyera, siya ay dinadayo ng lahat ng mga malalaking tao sa Pilipinas na gustong magpagamot. Mga Pilipino at dayuhan ang kanyang mga kliyente. Naging ubod siya ng yaman. Sa dami ng kliyente niya, siya na ang umaayaw sa ibang gustong magpagamot. Subalit ng magkagiyera, nawala ang kanyang mga kliyente. Ang kanyang clinic sa Escolta ay bukas pa rin, at patuloy ang pagbabayad niya ng renta sa espasyo, subalit wala na siyang kliyente. Naubos ang perang ipon niya at wala na siyang mapakain sa kanyang pamilya. Masakit man sa kanyang kalooban, subalit napilitan siyang isara ang clinic. Dahil walang mga sasakyan at gasolina noon, ang matalino kong Lola na pamangkin ni Dr. Jose ang naghanap ng paraan. Umarkila siya ng kalabaw at karomata para isakay ang lahat ng mga kagamitan ni Dr. Jose at dinala sa bahay nila sa O’Donnel St., Sta. Cruz, Manila. Dinala ni Dr. Jose ang buo niyang
pamilya at umasa sila sa Lola ko para pakainin sila sa buong panahon ng digmaan.

Noong 2020-2021 pandemya sa buong mundo, nagsara ang maraming negosyo. Para mabuhay ko ang aking pamilya, nanalangin ako sa Diyos. Nagbigay ng maraming kliyente ang Diyos sa akin para gumawa ako ng online seminars, at binabayaran nila ako. Bukod dito, naisipan kong magtayo ng urban farming sa bakuran ko, at sa farm ko sa Lipa, Batangas. Nagtayo ako ng poultry at magtanim ng maraming gulay. Nakalibre kami sa malalaking gastusin sa pagkain dahil sa aking urban farming. Mahirap magtiwala sa kayamanan. Pag dumating ang panahon ng taghirap o digmaan, walang magagawa ang pera natin. Ang pinakamainan na depensa ay ang maging matalino at matuwid na tao tayo. Babantayan at aalagaan tayo ng Diyos para mabuhay sa panahon ng taghirap.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)