TURO NI HARING SOLOMON: HUWAG MANABIK SA PAGYAMAN

“HUWAG mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito’y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.” (Kawikaan 23:4-5)

“Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.” (Mateo 4:10). “Si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos.” (Deut 4:24). Iisa lang ang Diyos at Siya ay nagseselos sa ibang minamahal ng tao. Ang pinakaunang umaakit sa pagmamahal ng tao ay ang pera. Wala tayong magagawa; ganyan talaga ang ugali ng iisang Diyos; hinahangad niyang Siya dapat ang ating pinaka- unang pag-ibig. Mahirap maging kalaban ang Diyos. Subalit napakainam Niyang maging kaibigan. Ang sabi nga ng isang batikang ebanghelista na si Ravi Zacarias, “God is like a canon. It makes all the difference in the world which side of the canon you stand on.” (Ang Diyos ay parang isang kanyon. Malaki ang kaibahan nang mangyayari kung aling panig ng kanyon nakatayo ka).

Ang turo ng kabanata 28 ng Aklat ng Deuteronomio, kung susunod tayo sa Diyos, samu’t saring pagpapala ang ibibigay Niya sa atin. Subalit kung susuway tayo sa Kanya, samu’t saring sumpa ang darating sa atin. Isa sa pagpapala ng Diyos ay kaunlaran at pagyaman

. Ang sabi ni Jesus, “Higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian ng Diyos at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na kailangan ninyo.” (Tingnan sa Mateo 6:33)

Kaya malinaw na ang pagyaman ay regalo ng Diyos. Huwag sana maghahambog ang sinumang tao na nag-aakalang kaya siya yumaman ay dahil sa kanyang husay at talino. Kailangang magpakumbaba tayo. Dapat ay tanggapin nating ang Diyos ay ang may kapangyarihang magpayaman o magpahirap sa isang tao. May ilang nagmamataas at nag-iisip na kaya siya yumaman ay dahil sa sarili niyang lakas. Hindi niya naiisip na kaya siya yumaman ay dahil ipinagkaloob iyon sa kanya ng Diyos. Ang sabi nga ni Apostol Pablo, “Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago.” (1 Corinto 3:7). At ang sabi naman ni Juan Bautista, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito’y ipagkaloob sa kanya ng Diyos.” (Juan 3:27)

Sa Bibliya, mababasa ang kuwento tungkol kay Job. Siya ang pinakamayamang tao sa Gitnang Asia noong kapanahunan niya. Mayroon siya noong 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 mag-asawang baka, 500 asno, at isang pulutong ng mga manggagawa, bukod pa sa sampung anak. Sinubukan ng Diyos ang katapatan niya. Pinahintulutan ng Diyos na salakayin ng mga kaaway ang mga alaga niyang hayop. Dumating ang kalamidad at natupok ng apoy ang iba pang mga hayop.

Sinalakay ng mga mandarambong at pinatay ang kanyang mga manggagawa. May dumating na ipo-ipo at nagiba ang bahay ng panganay niyang anak habang nagkakasayahan doon ang sampu niyang anak. Sa kabila nito, nanatili pa ring tapat si Job sa Panginoon. Nang matapos ang pagsubok, isinauli ng Diyos ang lahat niyang ari-arian at dinoble pa ang dami. Sa dulo ng kanyang buhay, binigyan siya ng Diyos ng 14,000 tupa, 6,000 kamelyo, 2,000 baka at 1,000 inahing asno.

Nagkaroon pa siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

May mga kamag-anak akong napakayaman dati. Anak ng haciendero ang ina, at batikang abogado ng gobyerno at ng Ayala Corporation ang ama. Nang tumanda na sila at nagkaroon ng malubhang sakit, unti-unti silang naghirap at ibinenta ang ilang mga ari-arian. Nang mamatay sila, ang ilang anak na laki sa ginhawa at karangyaan ay dumanas ng hirap.

Mayroon pa akong kilalang taong naging ubod ng yaman dahil pumasok sa negosyo ng pagbabarko. Ang dami nilang ari-ariang sasakyang pandagat. May malaki silang mansiyon na may anim na palapag sa tabi ng Roxas Boulevard sa Manila. Ang ama ay isang batikang doktor sa UST Hospital. Subalit nang tumanda na ang amang doktor at nagretiro na, nagkasakit siya nang malubha at hindi na makalakad. Unti-unting ibinenta ang ilan nilang ari-arian. Pati ang magara nilang mansiyon ay naibenta rin.

Ang misis ko ay may matalik na kaibigan sa high school. Iyon ang nagbigay ng tirahan at tulong sa aking asawa noong magkolehiyo siya sa Maynila at dumaranas ng paghihirap ang kanyang pamilya. Ang ina ng kaibigan niya ay asawa ng isang negosyanteng Chino.

Nagkaroon ng maraming sariling negosyo ang ina. Mayroon silang tindahan ng mga mamahaling damit at kagamitan sa bahay, mga paupahan, at negosyo ng pagpapautang. Matapang ang ina at malupit kung maningil sa mga umutang. May isang mangungutang na napikon sa ugali ng ina. Nagsumbong sa NPA o nag-arkila ng assassin. Pinasabog ang kotse ng

ina na siyang ikinamatay nito, at nadamay pati ang inosenteng bunsong anak. Nang mamatay ang ina, at dahil din sa pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas noong 1980s, unti-unting naghirap ang kaibigan ng aking asawa.

Mayroon din akong mga kakilalang dating mas mahirap pa sa daga at ang kinakain ay inadobong salagubang para mabuhay. Subalit sa biyaya ng Diyos, ngayon ay yumaman na. Kaya para sa akin, naniniwala akong sa Diyos nagmumula ang pagyaman at paghirap. Huwag tayong maging masyadong nananabik sa pagyaman, na tuloy parang nagmumukhang- pera na tayo. Mag-ingat tayong huwag magselos ang Diyos sa atin.

 (Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag- subscribe. Salamat.)