TURO NI HARING SOLOMON: IWASAN ANG KATAMARAN

“Slothfulness casteth into a deep sleep; and an idle soul shall suffer hunger.” (Ka­wikaan 19:15)

Sa Bibliya, maraming dahilan kung bakit naghihirap ang tao. Ang ilang dahilan ng kahirapan ay kawalan ng katarungan sa lipunan, makasalanan o hangal na pag-uugali ng ilang tao, pagmamahal sa kalayawan, at boluntaryong karalitaan para mapaglingkuran ang Diyos nang walang abala. Subalit ang pinakamadalas na dahilang ibinibigay ni Haring Solomon kung bakit may kahirapan ay ang katamaran.

Totoo namang maraming tamad sa lipunan. Bunga ito ng maling pagpapalaki ng mga magulang. “Anak na di paluhain, ina ang patatangisin.” Pinalaki kasi sila sa luho at layaw. Sabi nga ni Makatang Francisco Baltazar, “Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad; sa bait, sa muni, sa hatol ay salat; masaklap na bunga ng maling paglingap; habag ng magulang sa irog na anak.” Ang sabi naman ng lolo ko, “Palakihin ang bata sa hirap para tumaas ang pangarap; palakihin ang bata sa luho para pangarap ay maglaho.”

Sa isang komperensiya ng mga negosyante, sinabi ng isang tagapagsalitang Chino, “Kinakabahan ako sa maaaring mangyari sa maraming anak ng mga Chino. Dahil lumaki sila sa ginahawa at layaw, nawala na ang apoy sa puso nila para magnegosyo at umabot ng mataas na ambisyon. Ang binabantayan kong magiging mayaman sa susunod na henerasyon ay ang maraming anak ng mga mahihirap na Pilipino na dahil lumaki sa hirap at pagtitiis, umuusbong ang mataas na pangarap at paghahangad na makaalpas sa karalitaan at maging mayaman.” Para sa tagapagsalita, babaliktad ang kalagayan ng mga tao sa lipunang Pilipino.

Noong panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, inapi at ginawang mahihirap ang mga Pilipino; trinato silang parang mga alipin. Nang mapatalsik ang mga Kastila at mga Amerkano na ang sumakop sa bansa, noong panahong 1900 – 1940, ang naging mayaman ay ang mga katutubong PIlipino. Pinag-aral sila ng mga Amerkano at sinanay sa pamamahala ng gobyerno. Samantala, magulo ang bansang China noon; may digmaang sibil at taggutom; kaya lumikas mula sa China ang maraming mamamayang Chino at nanirahan sa Pilipinas. Sabi ng lola ko, mas mahirap pa sa daga ang mga Chio noon; naglalako lang ng tubig na maiinom ang iba. Naaalala ko pa noong nasa elementarya ako, tinutudyo at inaapi ng mga kaklase kong Pilipino ang mga Chino. Mayayabang ang mga kabataang Pilipino noon. Pati ako ay tinutuksong Chino kahit na Pilipinong tunay naman ako; dahil ito sa may bahagyang itsurang Chino ako. Ang ilang ninuno ko ay galing sa China. Noong kapanahunan ko, dahan-dahan nang umaangat ang kalagayan at yumayaman ang mga Chino. Paglipas ng ilang taon, noong panahong 1980s hanggang sa kasalukuyan, napakalaki na ng agwat ng mga Chinoy at Pinoy. Ubod na ng yaman ang mga Chino at ang dami nang mga maralitang Pilipino.

Naaalala ko pa na ang mga estudyanteng Chimo ay masisipag mag-aral at mahuhusay sa matematika. May katamaran ang mga estudyanteng Pilipino. Pabandying-bandying at naglalakwatsa para manood ng bomba films. Pagkatapos ng high school, ang tinatanong ng maraming kabataang Chino, “Anong negosyo kaya ang itatayo ko?” Ang hanapbuhay na gusto nila ay pangangalakal. Matitiyaga sila. Matitipid at masisipag silang magtrabaho. Ang pilosopiya nila ay “Di bale maliit kita, basta malaki benta.”

Laging mas mura ang presyo nila kaysa sa mga Pilipino. Kaya sila ang dinudumog ng mga mamimili. Marami silang suki na palagiang sa kanila bumibili. Ang ilang negosyanteng Pilipino naman ay nananaga ng customer. Kaunti lang ang customer nila dahil iniisahan nila sa mataas na presyo, kaya nadadala ang mga customer na bumiling muli sa kanila.

Pagkatapos ng kolehiyo, ang tanong ng maraming kabataang Pilipino ay, “Saan ako hahanap ng trabaho?” Kung walang mahanap na trabaho sa Pilipinas, mag-iibang bansa para lang magkatrabaho. Pag nagkatrabaho na, ang ilan ay hindi maganda ang work attitude. Pag walang nagbabantay, nagpapabandying-bandying, nagdadaldalan, o naglalaro ng computer games sa oras ng opisina. Hindi bihira ang nahuhuling kumukupit ng pera.

Ang mga ito ay hindi kalugod-lugod sa Diyos. Mapaparusahan sila. Maaaring mahuli sila sa kanilang masamang gawain at matatanggal sa puwesto. Masisira ang kanilang reputasyon. Mahihirapan silang makahanap ng bagong trabaho. Maaaring maghirap sila.

Mayroon din namang mga Pilipinong masisipag. Ito ang mga may takot sa Diyos. Kahit wala ang superbisor, patuloy sa pagtatrabaho nang masipag. Masunurin sa tuntunin ng opisina at magalang sa mga customer. Ito ang mga naaangat sa puwesto. Sila ang pinagpapala ng Diyos. Sila ang yayaman balang araw.

Walang kinalaman ang lahi sa paghirap o pagyaman. Kapag masipag ang Chino, yayaman siya. Kung masipag ang Pilipino, yayaman din siya. Kung tamad ang isang Chino, maghihirap siya. Kung tamad ang isang Pilipino, maghihirap din siya. Kaya ang panawagan ko, maging masipag tayo. Magkaroon tayo ng magandang work attitude.

Mahalin natin ang ating trabaho; ito ay regalo ng Diyos.

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)