TURO NI HARING SOLOMON: MAG-ANI NG PAGPAPALA

“ANG matuwid ay mag-aani ng pagpapala’t kabutihan, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.” (Kawikaan 10:6)

Ang turo ng Bibliya, “Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.” (Galacia 6:7). Ang Diyos ay ang may-likha ng lahat ng bagay sa sanlibutan, kasama na ang lahat ng kayamanan. Nasa kapangyarihan Niya kung sino ang Kanyang bibigyan ng kayamanan at sino ang pagkakaitan.

Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban para malaman ng tao kung ano ang nakalulugod sa Maykapal. Kung gagawin natin ang ayon sa kalooban ng Diyos, magiging kalugud-lugod tayo sa kanya, at aani tayo ng pagpapala. Ngunit kung lalabag tayo sa kalooban Niya, masasaktan natin ang Kanyang damdamin, at hindi darating ang pagpapala.

Maraming mga prinsipyo ang itinuro ng Diyos, na kung susundin natin, bubuti ang ating buhay. Isa sa mga prinsipyong ito ay gusto ng Diyos na piliin natin ang daan ng katuwiran at hindi ng kasamaan. Ang mga halimbawa ng daang matuwid na kinalulugdan ng Diyos ay ang pagpapayaman sa pamamagitan ng kasipagan, simpleng pamumuhay, pagtitipid, pag-iipon, pagnenegosyo, at pagiging mapagbigay sa mga nangangailangan. Ang aanihin ng taong ganito ay pagpapala.

Ang mga halimbawa ng daang masama na kinamumuhian ng Diyos ay ang pagpapayaman sa pamamagitan ng pagnanakaw, pangungurakot, krimen, panloloko sa kapwa, atbp. Ang ibubunga ng ganitong paraan ay sumpa at pagkapariwara sa buhay.

Ang tanong ng ilan: Bakit may mga masasamang taong yumayaman, gaya ng mga drug lord, gambling lord, smuggling lord, kindnapping-for-ransom lord, prostitution lord, atbp.?

Totoo na yumayaman din ang masasamang taong ito, subalit madalas ay panandalian lang. Mayroon kasing kaaway ang Diyos; siya ay si Satanas, na isang espiritung rebelde na gumagala sa sanlibutan at nangangako sa sangkatauhan na kung sasambahin siya, gagantimpalaan niya ng masamang kayamanan at kapangyarihan. Subalit ang kayamanang ito ay nagdudulot ng kapahamakan sa mga taong naghahangad nito.

Binalaan tayo ni Jesus, “Ang pakay ng kaaway ay ang magnakaw, pumatay at manira. Subalit ang pakay ko ay ang magkaroon kayo ng buhay na may kasaganaan.” (Juan 10:10) Oo, maaari ngang yumaman ang mga taong masasama, subalit puspos ng kaguluhan at kabalisahan ang buhay nila. Wala silang kapayapaan.

Dahil nanggaling sa kasamaan ang kayamanan nila, kaya marami silang naagrabyado. Marami ang galit sa kanila at gusto silang saktan o patayin. Ang mga masasamang mayaman ay mga ahente ni Satanas para magpalaganap ng kaguluhan at kasamaan sa mundo. Kagamitan sila ng kaaway ng Diyos. Batid man nila o hindi, subalit kasosyo sila ng Masama para wasakin ang sangkatauhan.

Natutupad ng kaaway ang layunin niya sa mundo sa pamamagitan ng mga masasamang taong ito. Kahit matakasan nila ang kahatulan ng tao, hindi nila matatakasan ang katarungan ng Diyos. Parurusahan sila ng pangwalang hanggan.

Gusto ng Diyos na pagpalain tayo sa mabuti at malinis na paraan. Gusto niya tayong bigyan ng kayamanang nagdudulot ng tunay na katuwaan at nagpapalaganap ng kaayusan, kapayapaan at kaunlaran sa lipunan.

Ang pangako ng Diyos sa atin, “Binibigyan Ko kayo ng kapangyarihang lumikha ng yaman.” (Deuteronomio 8:18). Sinabi rin Niya, “Walang maghihirap sa inyo kung susundin niyo Ako at ang Aking mga utos.” (Deuteronomio 15:4-5)

May kaibigan akong isang arkitekto. Noong bagong nagtapos siya sa kolehiyo at bagong kasal, mahirap pa siya. Hindi niya kayang tustusan ang kanyang asawa at mga maliliit na anak. Dahil sa desperasyon, nagtrabaho siya sa Saudi Arabia. Naging isang empleyadong arkitekto siya roon. Kumita siya subalit hindi gaanong malaki. Ang ginawa niya ay puro pagtitipid at pag-iipon. Sumali siya sa isang underground Christian church.

Narinig niya ang mabuting balita ng kaligtasan kay Jesus. Nagsisi siya sa kanyang mga kasalanan at tinanggap si Jesus bilang sarili niyang Panginoon at Tagapagligtas. Naging aktibo siyang naglingkod sa simbahang iyon. Dumami ang mga kaibigan niyang Kristyano.

Nabasa niya sa Bibliya ang talatang “Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin” at “Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala’t kabutihan.” Nagpasya siyang sumunod sa daang matuwid. Pinalaki ng Diyos ang kanyang suweldo at ipon. Naisipan niyang magbalik na sa Pilipinas. Ginamit niya ang ipon niya para magsimula ng negosyong construction company. Dahil arkitekto siya, magaganda ang mga gawa niyang gusali at tuwang-tuwa ang mga kliyente.

Inirekomenda siya sa iba pang kliyente. Dahil isa na siyang tunay na Kristiyano, naging mabait na amo siya sa mga manggagawa niya. Tinuruan niya sila tungkol sa Bibliya. Pinarami ng Diyos ang kanyang mga proyekto. Tipid pa rin siya ng tipid at ipon pa rin ng ipon.

Bumili siya ng mga loteng inilit ng bangko dahil nabangkarote ang may-ari, at pinatayuan niya ng gusali – mga office spaces for rent. Pagkatapos ay pinaupahan niya sa mga negosyante. Ang espasyong walang umupa, siya ang gumagamit para magtayo ng maraming iba pang negosyo – water refilling, massage parlor, Architectural firm, construction company, 711, Dunkin Donuts, atbp. Hindi lang iyon, ginamit din niya ang malaking espasyo para magtayo ng simbahang Kristyanong pinarehistro niya sa isang malaking denominasyong Kristyano, at siya ang nagpapastor. Napakagalante niyang magbahagi ng kanyang pera sa Diyos at sa mga miyembrong mahihirap. Pinayaman siya ng Diyos dahil nagtanim siya ng katuwiran.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)