TURO NI HARING SOLOMON: MAG-IWAN NG PAMANA SA IYONG MGA ANAK AT APO

“ANG matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan, at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.” (Kawikaan 13:22)

Kung ipanganganak kang mahirap, huwag mo sanang ipamamana ang kahirapan mo. Sana ay mahinto na ang buhay-mahirap sa iyo; sana ay malutas mo ang problema ng karalitaan sa iyong panahon, at matutunan mo ang proseso ng pagkakaroon ng malinis at pinagpalang kayamanan mula sa Diyos.

Tapos, ipamana mo ang malaking bahagi ng iyong kayamanang natipon sa iyong mga anak at mga apo. Ang ilang bahagi ay puwede mo ring ibigay sa mga gawaing-simbahan o para sa Diyos. Ito ang istandard ng Bibliya. Ito ang gawain ng mga matutuwid na tao. Si Abraham ay nag-iwan ng pamana sa kanyang anak; si Isaac ay nag-iwan ng pamana sa kanyang anak; si Jacob ay nag-iwan ng pamana sa kanyang mga anak. Sina Job, David, Solomon at iba pang mabubuting tao ay nag-iwan ng pamana sa kanilang saling-lahi. Mismong ang Diyos ay nagbigay ng pamana sa kanyang bayang Israel. Ang Ipinangakong Lupa o lupain ng Canaan ay pamana ng Diyos sa kanyang piniling bayang Israel. Ang Banal na Kasulatan (Ang Bibliya) ay pamana ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ay ang manwal ng Diyos para maabot ang matagumpay at maunlad na pamumuhay.

Ang Kaharian ng langit ay pamana ng Diyos para sa mga mananampalataya. Si Jesus ay gumagawa ng mga mansiyon sa kalangitan bilang pamana niya sa mga tagasunod niya. Ang pangako ni Jesus, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon.” (Juan 14:2-3)

Kung susundin natin ang mga prinsipyong ito na itinuturo ng Bibliya, hindi tayo maghihirap at hindi magiging mahirap ang saling-lahi natin. Magiging isang angkang pinagpala ang ating mga anak at apo. Ang pangako pa nga ng Bibliya sa mga mananampalataya sa Diyos, “Ang kanyang lipi’y magiging dakila, pati mga angkan ay may pagpapala.” (Awit 112:2). Kaya ito rin ang itinuturo ng marunong na si Haring Solomon, “Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan, at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.”

Ang problema ng maraming tao ay kulang sila sa karunungan at common sense. Unang-una sa lahat, hindi sila nag-iipon. Ginagastos nila ang lahat ng kita nila. Ang ugali nila ay ang ugali ng mga taong hindi yayaman, kundi ay maghihirap. Sukat ba namang sa bawat gabi na lamang na ginawa ng Diyos, wala silang ginawa kundi maglasing nang maglasing. Pag-uwi ng bahay ay mambubugbog pa ng asawa. Nagpakasarap na sila sa buhay nila; wala na silang aasahang ginhawa sa kinabukasan.

Hindi kailanman sumagi sa utak nila ang mag-iwan ng pamana sa kanilang saling-lahi. ‘Pag tumanda na sila at hindi na kumikita ng pera at nagkakagutom-gutom na, lalapit-lapit ngayon sila sa kanilang mga anak at magsasabi, “Mga anak, mahihina na kami ng nanay niyo. Wala kaming naipong pera para sa katandaan namin. Wala kaming maipamamana sa inyo kundi karalitaan at pawang karalitaan lamang. Kayo na lang ang bahalang mag-aruga sa amin sa aming katandaan.” Nakakainis! Wala na ngang ipamamanang kayamanan; pati magandang ugali ay wala pa ring iiwan. Maraming mga magulang ay maraming bisyo; at sasabihin nila sa mga anak, “Huwag kayong gagaya sa mga bisyo ko! Huwag ninyong tutularan ang mga ginagawa ko – paninigarilyo, paglalasing, pambababae, pagdodroga, pagsusugal, atbp.” Mga walang karapatang magturo sa mga anak ang mga magulang na gaya nito dahil masasama ang mga halimbawang ipinakikita nila. Kaya tuloy, ang lahing Pilipino ay pahirap nang pahirap. Samantala ang mga dayuhan ay payaman nang payaman.

Dati ang mga lupain ng Pilipinas ay nasa kamay ng mga Pilipino. Pero ngayon, ang mga pinakamagandang lupa sa ating bansa ay nasa kamay na ng mga dayuhan. Maraming mga hangal na Pilipino ay ayaw nang magsaka, gusto nila ay biglang pera sa Maynila, kaya ibinenta nila ang mga lupain nila sa mga dayuhan.

Pinupuri ko ang Diyos dahil binigyan Niya kami ng asawa ko ng mga marurunong na ninuno at magulang na nag-iwan ng pamana sa amin. Ang mga magulang ko ay nag-iwan ng negosyo at ilang lupa sa akin at aking mga kapatid. Ang mga magulang ng asawa ko ay nag-iwan ng bahay at lupang pagsasaka sa kanya at kanyang mga kapatid. Ngayon kami ng aking mga kapatid ay ang nangangasiwa ng mga negosyong ipinamana sa amin.

Gusto kong sundin ang katururan ng Bibliya. Gusto ko ring mag-iwan ng pamana sa aking mga anak at apo. May kasabihan ang mga Amerkano, “A fool and his money are soon parted.” (Ang hangal at ang kanyang pera ay maghihiwalay sa di kalaunan.) Dahil sa dami ng kanilang bisyo at masasamang pag-uugali ang kayamanan ng mga masasamang tao ay napupunta sa kamay ng mga mabubuting tao na siya namang ubod ng sipag, husay magtrabaho at galing mag-ipon.

vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)