“HINDI makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.” (Kawikaan 12:27)
Gusto mo bang magkaroon ng magandang hinaharap? Gusto mo bang makatiyak na maunlad ang magiging buhay mo sa katandaan at magiging masagana ang kabuhayan ng iyong salinglahi? Sigurado ako na gusto mo ito. Sa totoo lang, walang nakakaalam ng kinabukasan. Puro mga bulaan lang ang mga manghuhula.
Mga swindler ang mga taong nagsasabing kaya nilang mahulaan ang mangyayari sa kinabukasan. Naaalala ko noong ako ay nagtatrabaho pa sa isang pribadong kompanya, mayroon kaming isang manager na nagsasabing marunong daw siyang manghula sa pamamagitan ng pagbasa ng guhit ng palad. Maraming mga babaeng uto-uto ang naloko niya. Panay ang himas-himas niya sa mga malalambot na palad ng mga magagandang dilag. Umiiwas siyang manghula sa kamay ng mga matatandang babae o mga lalaki. Ang pinipili niyang hulaan ay ang mga magagandang dalaga.
Sa loob-loob ko, natatawa ako dahil kitang-kita kong gusto lang niyang maniyansing ng mga babae. Narinig ko na puro pambobola ang sinasabi niya.
Ang mga hula niya ay mga salitang gustong marinig ng hinuhalaan. Narinig kong sinabi niya, “May makikilala kang guwapo at mayamang lalaki na magkakagusto sa iyo. Magkakaroon kayo ng tatlong anak. Yayaman at aasenso kayo. Magkakaroon ka ng anak na doctor at abogado…”. Puro pambibilog ng ulo. Pagkatapos ng panghuhula niya, tatawa-tawa siya dahil naka-tsansing na naman siya. Kung totoong nakakahula ang mga manghuhula, dapat sana ay ubod na sila ng yaman. Dapat alam nila kung anong mga sweepstakes at lotto number ang mananalo at tataya sila sa mga numerong iyon at mananalo at yayaman sila ng milyon at bilyong piso. Bakit kasing hirap pa rin sila ng daga?
Diyos lamang ang nakakaalam ng kinabukasan; wala nang iba. May kasabihan ang mga Chino, “The past is as clear as a mirror; the future as dark as lacquer.” (Ang nakaraan ay kasing linaw ng salamin, ang kinabukasan ay kasing dilim ng itim). Bagamat ipinagkait ng Diyos sa sangkatauhan ang abilidad na malaman ang kinabukasan, subalit nagbigay siya ng payo kung ano ang dapat nating gawin para maging maganda ang ating hinaharap. Ang turo ng Diyos, “Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin.” (Galacia 6:7). Sabi pa Niya, “Ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami.” (2 Corinto 9:6). Iyan din ang sabi ng salawikaing Pilipino, “Kung ano ang itinanim ay siyang aanihin.” Ang ibig sabihin nito, kung tayo ay magpapasya at kikilos nang wasto sa ngayon, ang ibubunga niyan para sa atin sa kinabukasan ay kabutihan at kaunlaran.
Kung palpak ang ating mga kapasyahan at kilos sa ngayon, ang resulta nito sa kinabukasan ay kapariwaraan at kabiguan. Hindi natin alam ang bukas; at hindi natin kontrolado ito; subalit maiimpluwensiyuhan natin ito sa pamamagitan ng tamang pag-iisip at pag-uugali. Kung ang isang tao ay masipag at mahusay sa trabaho, nag-iipon ng pera, at namumuhunan nang matalino, yayaman siya. Kung siya ay tamad magtrabaho, hindi hinuhusayan ang gawain, maluho sa buhay, hindi marunong mag-ipon, at ginagasta ang lahat ng kita, siguradong maghihirap siya at mababaon sa utang. Samakatuwid, may lohika ang pagyaman at paghirap. Hindi siya kahiwagahan. Hindi mo kailangang maging rocket scientist para malaman na may wastong proseso ang pagyaman nang malinis.
Ito rin ang itinuro ng matalinong si Haring Solomon. Ang sabi niya, “Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad.” Puro lamang pangangarap at paghahangad ng kayamanan at maunlad na kinabukasan ang taong tamad. Subalit laging nauuwi sa kabiguan at pagkasiphayo. Pagkatapos ay sisihin niya ang Diyos, “Bakit mo ako ginawang mahirap?” Marahil na sisisihin din niya ang gobyerno, “Pabaya kasi ang gobyerno. Wala silang magandang programa para matulungan kaming mahihirap!” Posibleng sisihin din niya ang kanyang magulang, “Bakit niyo ako inanak na mahirap? Sana ipinanganak na lang ako sa magulang na mayaman.”
Nabubulagan siya. Hindi niya nakikitang maaaring ang problema ay ang sarili niya. Maraming tao ay ganito – tamad at naghihirap. Halos araw-araw na nakapila sila sa tanggapan ng gobyerno at umaasang mabigyan ng libreng agahan, tanghalian at hapunan, pati perang pamburol, panganganak, gamot sa sakit, atbp. May kasabihan, “Kung ipinanganak kang mahirap, hindi mo kasalanan iyan. Subalit kung mamamatay kang mahirap, kasalanan mo na iyan.”
Ang sabi rin ni Haring Solomon, “Ang masikap ay laging may magandang hinaharap.” Ang turo ni Solomon, “Lagi!” Parating maganda ang kinabukasan ng mga taong masikap. Kalooban ng Diyos ang maging masikap ang isang tao. Kalugod-lugod sa Kanya ang pagiging masikap at masipag ang tao. Binigyan tayo ng Diyos ng 100 billion brain cells. Sampung porsiyento lang ang ginagamit ng karaniwang tao. Sinasayang nila ang 90% ng regalo ng Diyos sa kanila. Subalit balang araw, sasabihin ng Diyos sa mga masisikap na tao, “Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya’t pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’” Sabi ng lola ko, “Walang dahilan para maghirap kung gagamitan ng pagsisikap.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)