“BALANG araw ang masikap ang mamamahala,ngunit ang tamad ay mananatiling alila.” (Kawikaan 12:24)
Napakalohikal ng pag-iisip ni Haring Solomon. Hindi aksidente na itinuturing siyang pinakamarunong na taong nabuhay sa balat ng lupa. At hindi niya ipinagkait ang extra-ordinaryong kaalaman niya. Isinulat niya ang Aklat ng Kawikaan para maipasa sa iba ang talino at dunong na binigay ng Diyos sa kanya.
Una, itinuro niyang ang pagsisikap at kasipagan ay nagpapayaman (Kawikaan 10:4). Pangalawa, ang mayaman ay namumuno sa mahihirap (Kawikaan 22:7). Pangatlo, ang taong masipag o masikap ay mamamahala (Kawikaan 12:24). Isinabuhay niya ang mga katuruang ito. Napakasipag ni Solomon; gawa siya nang gawa ng samu’t saring proyekto para sa kaluwalhatian ng Diyos. Dahil sa lawak ng kanyang pang-unawa, binisita at kinonsulta siya ng lahat ng mga pinuno ng mga bansa; at nagbayad sila ng malalaking honorarium o pabuya bilang kapalit ng kanyang pagtuturo. Lumawak ang nasasakupan ni Solomon at nagkaroon siya ng isang emperyo na sumasakop sa mga ngayo’y bansang Israel, Lebanon, Syria, Iraq, Kuwait, Jordan, Saudi Arabia, at iba pa.
Sa biyaya ng Diyos, ginawa rin niya akong masikap at namamahala. Marami akong kahinaan sa aking pag-uugali, subalit katamaran ay hindi isa roon. May panahong apat ang trabaho ko nang sabay-sabay. Tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes, nagtrabaho ako bilang Training and Development Manager ng pinakamalaking pharmaceutical company sa bansa. Tuwing gabi naman, nagturo ako sa Unibersidad ng Pilipinas at Dela Salle-College of Saint Benilde. Tuwing Sabado o bakasyon, tumanggap ako ng mga consultancy projects mula sa mga ahensiya ng gobyerno o pribadong sektor. Tuwing Linggo naman, ako ay ang nagpastor ng simbahang OBCC.
Dahil sa aming pagsisikap at kasipagan, marami kaming ipon ng misis ko. Wala kaming utang. Kung magbayad kami ng tuition ng apat naming anak, cash at full payment, hindi installment na gaya ng ginagawa ng maraming magulang. Dahil sa aming ipon, nakabili kami ng mga assets tulad ng bahay at lupa.
Noong 1979, walang-wala pa akong anumang ari-arian; lubos akong umaasa lang sa aking mga magulang. Makalipas ang ilang taon, nagkaroon na kami ng sariling bahay at lupa, farm, at iba pang ari-arian. Namahala rin ako sa ilang tao. Ang simbahang pinapastor ko noon ay nasa isang pamayanang urban poor. Isa akong “tentmaker” noon. Ni singko ay wala akong tinanggap na suporta mula sa aming simbahan. Nagtrabaho at kumita ako mula sa aking opisinang pinagtrabahuhan at ang suweldo ko ang nagpopondo ng aking gawaing missionary at pastor. Hindi ako naging pabigat kahit kanino. Katunayan, akong pastor ay ako pa ang inuutangan ng ilang miyembro. Nagpahiram ako ng walang interes. Ang malungkot nga lang, 90% ng mga umutang sa akin ay hindi marunong magbayad. Para akong inabuso ng ilang tao. Pinatawad ko na lang ang utang nila para hindi sumama ang aking kalooban. At hindi nagkulang ang Diyos sa pagbigay sa akin ng mabuting kabuhayan. Pinagpala niya ang aking hanapbuhay. Lagi akong natataas sa puwesto at lumaki ang aking kita.
Para makatulong sa mga mahihirap, nagbigay ako ng scholarship sa ilang kabataang mahihirap; at nagbigay ako ng trabaho sa ilang magulang na mahihirap. Kinuha ko ang ilan para maging driver ng aking mga anak, gardener sa aming lote, cook o katulong ng aking misis, masahista, tagabantay ng aking farm, at empleyado sa aking sariling negosyo. Nagpasuweldo ako sa kanila. Nagsuporta rin ko ng ilang Filipino pastors at missionaries. Nagbigay ako ng libreng seminar kung paano magsimula at magpatakbo ng negosyo. May Ilang mga dating mahihirap ang sumama sa aking seminar at natuto silang magnegosyo. Noong una, ako ang tumatangkilik ng kanilang mga produkto o serbisyo para maenganyo silang magpatuloy. Ngayon, kaya na nilang magpatakbo ng kanilang negosyo, kahit na wala nang tulong mula sa akin. Natuto na silang dumiskarte sa buhay.
Bukod sa Panginoong Jesus, ang modelo ko sa buhay ay ang mga karakter sa Bibliya gaya nina Solomon, David, Abraham, Joshua, atbp. Noong bata pa ako, bago ko makilala ang Panginoong Jesus sa personal na paraan, ang naging modelo ko sa buhay ay ang Lola Irene ko. Siya ay isang babaeng ubod ng sipag, sikap at husay. Ika-apat na baytang lang sa Mataas na Paaralan ang natapos niya subalit nagkaroon siya ng maraming ari-arian gaya ng mga apartment at commercial building na kanyang pinaupahan. Ang dalawa niyang pinakasikat na kasabihan ay “Ang taong walang ginagawa, nakakaisip ng masama” at “Walang sekreto ang ating angkan kundi ang katipiran.” Isinabuhay ng Lola ko ang pilosopiya niyang ito. Hindi matatawaran ang kanyang kasipagan. Naging biyuda siya sa edad na 31 taong gulang at siya ang bumuhay sa lima niyang anak.
Sobra ang tipid niya at husay sa pangangasiwa ng pera. Nang malaman niyang ang lupaing ari-arian ng kanyang Lolo Tiyo ay nanganib na mailit ng bangko, siya ang kumilos para maligtas ang lupaing iyon, at di nagtagal, siya ang nagmay-ari ng malaking rancho na nag-aalaga ng 1,000 baka. Ito ang bumuhay sa aming angkan noong panahong ikalawang digmaan. Kaya para yumaman, maging masikap tayo at mamahala sa ibang tao.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)