“ANG TAO ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig.” (Kawikaan 12:14a, ABTAG, 2001)
mportante sa Diyos ang lumalabas sa ating bibig. Sinabi ni Jesus na hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang lumalabas dito. Sapagkat mula sa bibig maaaring lumabas ang papuri sa Diyos o paglapastangan sa Kanya. Mula sa bibig ay maaaring magpalakas ng kalooban ng kapwa-tao o kaya ay manakit sa damdamin nila. Sinabi rin ng Bibliya na anuman ang pangakong binitiwan ng ating bibig na gagawin para sa Diyos, sisingilin iyon ng Diyos mula sa atin; dapat tuparin natin iyon. Kaya pag-ingatan natin ang ating pananalita.
Ang turo ng matalinong si Haring Solomon, puwedeng dumating ang maraming pagpapala at kayamanan sa taong marunong at mahusay gumamit ng kanyang bibig para magturo sa iba.
Noon, si Haring Solomon ay isang “in-demand” na consultant, mangangaral, guro at tagalutas ng problema ng ibang tao. Maraming mga hari at reyna ng ibang bansa ang bumisita sa kanya para mapakinggan ang mga payo niya.
Dumating sa kanya ang maraming pinuno ng ibang bansa para humingi ng kasagutan sa mga mabibigat nilang katanungan, lalo na kung paanong pamunuan nang mabuti ang kanilang nasasakupan. Kayang ipaliwanag ni Solomon ang lahat ng mga kahiwagahan sa langit at sa lupa. Para siyang isang “Living Encyclopedia” noong panahon niya. Lahat ng namumutawi sa kanyang bibig ay pawang katotohanan at mabuting pagpapaliwanag ng mga kabalintunaan. Dahil dito, napakaraming kayamanan ang inihatid sa kanya ng mga pinuno ng ibang bansa. Ang isa sa pinakabantog, dakila at mayamang kliyente ni Solomon ay ang Reyna ng Sheba (na paniwala ng maraming dalubhasa, ito ay ang bansa ng Ethiopia na dati ay ubod ng yaman).
Purihin ang Diyos dahil ako man ay tumanggap ng maraming kasiyahan at kabutihan mula sa bunga ng aking bibig. Dahil sa biyaya ng Diyos, naging isa akong mabuting guro, tagapagsanay at mangangaral; at ako ay binayaran ng mabuting halaga bilang “honorarium” o pabuya. Naalala kong mula pa nang bata ako, may angking husay ako sa pagtuturo.
Dinudumog ako noon ng mga pinsan kong mas bata sa akin dahil sa kasanayan kong magkuwento. May buhay akong magsalaysay ng mga klasikong kuwento.
Pumupunta ako sa aklatan ng aming paaralan, at pag-uwi ko ng bahay, inaabangan ako ng mga pinsan ko at sinasabihan, “Magkuwento ka uli sa amin.” Napansin kong kapag nagkukuwento ako, napupukaw ko ang interes ng mga tagapakinig. Nagigising ko ang kanilang imahinasyon na para bagang nanonood sila ng isang pelikula habang nakikinig sa akin. ‘Pag nakakatakot ang kuwento ko, takot na takot sila. Pag nakakalungkot ang kuwento ko, naiiyak sila. Kapag nakakatawa ang kuwento ko, natatawa sila.
Nang nasa mataas na paaralan ako, isa ako sa mahusay na mananalumpati na pinupuri ng aking guro. Gigil akong magsalita at puno ng emosyon. Sabi ng ilan, hindi nakakabagot pakinggan ang aking paraan ng paghahayag. May nagsasabi pang “bombastic” ako kung magsalita. Dala-dala ko ang estilong ito hanggang sa kolehiyo. Lalong nahasa ang aking paraan ng pagtuturo nang ako ay magtayo ng isang Bible Study group na lumaki at naging isang simbahan. Ako lagi ang nangangaral ng Salita ng Diyos
Ang edad ng aking mga tagapakinig ay mula anim hanggang 60 taong gulang. Kung minsan, nararamdaman kong parang dumadaloy ang Espiritu ng Diyos habang ako ay nangangaral. Ako mismo ay nagtataka sa mga lumalabas mula sa aking bibig. Ako mismo ay natututo sa sinasabi ko. Habang nagsasalita ako, tinatanong ko sa aking isip, “Saan galing itong mga sinasabi ko? Bago ito sa akin!”
Nang magtrabaho ako sa isang opisina, nasanay akong maging isang “experiential trainer.” Nagturo kami sa pamamagitan ng mga educational games o Group Dynamics. Nataas ako sa puwesto at naging guro ng pamantasan. Gumamit ako ng mga makabagong metodo ng pagtuturo na lubos na naibigan ng aking mga estudyante. Nang magtrabaho ako sa Makati, isa sa pinakamagandang programang sinalihan ko ay ang Dale Carnegie Course. Tinuruan ako nitong magkaroon ng mapagtagumpay na attitude. Tumaas ang pangarap ko.
Naging aktibo rin ako sa Toastmasters Club. Lalong nahasa ang aking estilo ng pagtatalumpati. Habang namamasukan sa opisina, naimbitahan din ako ng maraming organisasyon at kumpanya para magpatupad ng mga programa. Dumami ang mga kliyenteng suki ko. Dahil dito, naisipan kong magbitiw na sa pamamasukan at tumutok na lang sa negosyong consultancy. Inimbitahan ako ng mga Aleman na sumali sa Training of Trainers ng CEFE (Competency-based Economies through Formation of Enterprise). Pagkatapos, pinadala nila ako sa maraming bansa para magturo ng CEFE. Nagturo ako sa Brazil, Namibia, South Africa, Nigeria, Tanzania, Montenegro, Macedonia, Bangladesh, Mongolia, Fiji, Laos, Thailand, Vietnam, Indonesia, atbp. Maganda ang naging kita ko. Talagang pinagpala ako ng Diyos. Napatunayan kong totoo ang sinabi ni Haring Solomon, “Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig.