“MAS mabuti pa ang kaunti na may takot sa Panginoon kaysa dakilang kayamanan na puro kaguluhan.” (Kawikaan 15:16)
Ang sabi ng salawikaing Filipino, “Sa pag-asawahan, ang kaginhawahan ay nasa kasalatan, wala sa kasaganaan.” Ang ama ko ay nagmula sa angkang may kaya, ngunit ang ina ko ay nabuhay sa angkang nakasasapat lang, hindi mayaman. Subalit kung ikukumpara ko ang klase ng relasyon ng mga magkakamag-anak, napansin kong mas malapit at nagmamahalan ang angkan ng aking ina na ‘di gaanong mayaman kaysa sa angkan ng aking amang mas maginhawa. Tuloy, naging mas malapit ang kalooban ko sa mga kamag-anak ng aking ina dahil sinsero sila, mapagkumbaba, marunong makisama, at may pantay-pantay na pagtingin. Kung kasama namin sila, sabay-sabay kung magkainan at masaya ang usapan. Kahit simple lang ang pagkain, mas sumasarap ang pagkain dahil nagbibigayan at may paggalang sa isa’t isa.
Samantala, sa panig ng aking ama, marahil dahil ang tingin nila ay mas mayaman sila kaysa sa amin (labintatlo kaming magkakapatid at hindi gaanong magagara ang aming pananamit), mapagmataas sila, mapanghamak, at may pagka-mata-pobre. Kanya-kanyang kainan sa kani-kanilang bahay, walang bigayan at bihirang mag-usap. Ang isa naming kamag-anak, kapag may handaan, nag-iimbita ng ibang tao, pero hindi kasama ang aking pamilya. Sa susunod na araw, ipadadala sa amin ang sobra at nalumang pagkain, na kung minsa’y panis na. Hindi ko nagustuhan ang ugali ng ilang mayayamang tiyo at tiya ko na masusungit at walang paglalambing o pakialam sa amin. Napansin kong madalas ang awayan sa kanila, matindi kung magbangayan, at madalas na nauuwi sa hiwalayan, dahil masyadong matataas ang pagtingin sa mga sarili.
Naglingkod kami ng misis ko sa mga maralitang tagalungsod sa Quezon City. Nagkaroon kami ng Bible fellowship at community school doon. Naobserbahan kong mayroon ding hindi magandang ugali ang mahihirap (wala namang perpektong tao) gawa ng kanilang kahirapan (gaya ng pag-utang at hindi nagbabayad), subalit mas sinsero ang kanilang kalooban at mas matamis kung magmahal. Papapasukin ka sa kanilang maliliit na bahay at iimbitahan kang kumain kahit napaka-simple lang ng pagkain nila. Samatala, may ilan akong mga kaibigang medyo may kaya na parang mataas ng ere; parang gusto nilang ipamukha sa iyo na mas magaling at mayaman sila. Bakit kaya ganoon? Bakit ang mga mayayaman ay nagiging mata-pobre? Bakit mas magandang makitungo ang mga mahihirap?
May ganito ring obserbasyon si Haring Solomon. Sabi niya, mas mabuti pa ang kaunti na may takot sa Panginoon kaysa dakilang kayamanan na puro kaguluhan. Marahil ay nakita niya na ang mga Israelitang medyo hikahos ang kalagayan subalit nananampalataya sa Diyos ay mga mapayapa at mabubuting mamamayan ng bayan. Sabi ni Jesus at ni Apostol Pablo sa Bibliya, “Ang mga mahihirap ay may mas mataas ang pananampalataya sa Diyos kaysa sa mga mayayaman.” Samantala, ang mga mayayamang tao ng bayang Israel, marahil napagmasdan ni Haring Solomon, ay laging may pag-aaway na dinadala sa hukuman para ayusin, at kailangang pagdesisyunan kung sino ang tama at mali. Ang sabi ni Jesus sa Bibliya, “Hindi puwedeng maglingkod ang tao sa dalawang panginoon – ang Diyos at ang kayamanan. Ang nagmamahal sa kayamanan ay napopoot sa Diyos.” Nagbabala pa si Jesus, “Ano ang pakinabang ng tao kung mapasakanya man ang buong daigdig subalit mawawala naman ang kanyang kaluluwa? Ano ang maibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kanyang kaluluwa?”
Nagtrabaho ang isang kapatid ko sa isang dambuhalang kumpanyang gumagawa ng mga panlasa ng pagkain. Ang may-ari ay isang dayuhang pamilya. Napakayaman nila. Nang mamatay ang ama na siyang nagtayo ng kumpanya, minana ng kanyang mga anak ang negosyong iyon. Subalit hindi naging magkasundo ang magkakapatid. Magkatunggali ang kanilang estilo ng pangangasiwa. Naging sobra ang galit at inis nila sa bawat isa. Umabot sa sitwasyong ang magkakapatid ay nag-arkila ng mga assassin para ipapatay ang kapatid! May dakila nga silang kayamanan subalit napupuno naman ng kaguluhan bunga ng pagkamuhi sa isa’t isa.
Para sa akin, ang ibig sabihin ng lahat ng ito: ang kayamanan ay hindi nasusukat sa salapi lamang. Ang kabutihan ng ugali ay isa ring kayamanan. Sabi nga ng salawikaing Filipino, “Ang mabuting asal ay kaban ng yaman” at “Ang kabutihan ng ugali, lalong higit sa salapi.” Gusto ko sanang yumaman ang mga mamamayang Filipino sa pamamagitan ng pagiging marunong sa pangangasiwa ng pera, subalit huwag sana nila kaliligtaan ang kayamanan ng magandang ugali. Ang ating asal na “kapwa-tao” ay huwag sanang mawawala sa atin. Mayaman man o mahirap tayo sa pera, sana maging mayaman tayo sa kagandahan ng ugali. At ang simula ng lahat ng kayamanan – pera man o ugali – ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)