“ANG mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan, ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.” (Kawikaan 21:5)
Hindi naman masama ang kayamanan. Katunayan, ipinangako nga ng Diyos sa kanyang mga mananampalataya na pagpapalain niya sila; at walang maghihirap sa kanila. (Deuteronomio 15:4) Ipinangako rin ng Diyos na binigyan niya tayo ng kapangyarihang lumikha ng kayamanan. (Deuteronomio 8:18) Ang masama ay ang pagmamahal sa pera. Itinuturo ng Bibliya na ang pagmamahal sa pera ay ang isang pinagmumulan ng lahat ng kasamaan. (1 Timoteo 6:10) At sinabi pa ni Jesus na ang nagmamahal sa salapi ay namumuhi sa Diyos. (Tingnan sa Mateo 6:24)
Ang kayamanan ay parang apoy. Ginagamit ng tao ang apoy para sa mabuting layunin, gaya ng pagluluto ng pagkain. Subalit kapag hindi nakontrol, maaaring mauwi sa sunog at pananalanta ang apoy. Ang pera ay ganoon din. Kapag ang pera ay sumakamay ng isang mabuting tao, maaaring maging malaking pagpapala ito sa sangkatauhan. Subalit kung mahuhulog ito sa kamay ng masasamang tao, puwedeng magamit ito sa pang-aapi at paggawa ng maraming krimen.
Dahil hindi naman talaga masama ang pagyaman, sinasabi ng Bibliya na dapat ay pinaplano natin ang pagkamit at paggamit nito sa mabuting paraan.
Maaari tayong gumawa ng budget para maplano nang wasto at marunong ang paggastos nito. Maaari tayong magplano na magkaroon ng ipon sa pamamagitan ng pagtatabi ng ilang porsiyento ng ating kita sa isang alkansiya o bangko para mapaghandaan ang anumang hindi inaasahang mga dagok ng buhay na darating sa atin. Nag-iipon din tayo para magkaroon ng puhunan. Maaari rin tayong magplanong magtayo ng negosyo batay sa ating kakayahan at kinagigiliwan.
Hindi madali ang magplano. Ang payo ng Bibliya, dapat ay ginagawa ang pagpaplano ng may kasipagan. Kailangan munang manaliksik kung ano ang pangangailangan sa lipunan. Pagkatapos ay magdidisenyo ka ng produkto o serbisyo na epektibong tutugon sa pangangailangan ng mga potensiyal mong kustomer. Tapos, maghahanda ka ng lugar kung saan puwede mong likhain ang produkto o ihatid ang serbisyo mo sa mamimili. Pag-aralan mo kung ilang tao ang kailangan mong arkilahin para tumulong sa iyo. Kailangan mo ring maghanda ng sapat na kapital para mapondohan ang lahat ng gastusin sa negosyo – materyales, pasahod sa mga tao, at pambayad sa “overhead” gaya ng kuryente, tubig at telepono.
Hindi biro ang pagnenegosyo, kaya dapat pagplanuhan. Ayon sa pananaliksik, apat sa bawat limang taong nagpapasimula ng negosyo ay nalulugi at nabibigo; isa lamang sa limang tao ang nagtatagumpay sa negosyo.
Ang malungkot na katotohanan, maraming tao ang tamad; ayaw kumayod; walang tiyaga o pagtitiis. Kaya marami ang natutuksong yumaman sa pamamagitan ng madali at masamang paraan. Ang sabi ng Bibliya, “Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:1-2). Naniniwala ako na nabubuhay tayo sa mga huling araw ng kasaysayan ng tao. Malapit nang bumalik ang Panginoon. At ayon sa hula ng Bibliya, ang tao ay magiging pasama nang pasama. Ang turo ni Jesus, sa mga huling araw, ang sanlibutan ay matutulad sa panahon ni Noe at ni Lot bago gunawin ang mundo. Noong panahon ni Noe, lahat ng isip ng mga tao ay pawang kasamaan at panlalamang sa kapwa; mawawala ang habag at pagmamahal sa kapwa-tao; at hahamakin ng karamihan ang Diyos at ang mga katuruan tungkol sa Diyos.
Noong panahon ni Lot, ang mga lungsod ng Sodom at Gomorrah ay naging ubod ng masama, punong-puno ng kahalayan at abnormal an klase ng gawaing sekswal. Dahil sa mga karumaldumal na gawain ng mga tao, ginunaw ng Diyos ang mga masasamang tao.
Ngayon, parami nang parami ang gumagamit ng panloloko (swindling, scams) para magkamal ng salapi. Dadami pa ang mga swindler na parang kabuti. Ito lang buwan ng Mayo, may pinayuhan akong tao na nahulog sa internet scam.
May nahanap siya sa Internet na kompanya na mag-aarkila sa kanya bilang “Virtual Office Assistant.” Ang pang-akit ng kompanya ay ang alok nilang, “Kumita ng malaking pera habang nasa bahay ka lang.” Una, sumali ang kakilala ko bilang “aplikante”; pinagpuhunan siya ng 100 pesos; ang bumalik sa kanya ay 150 pesos, totoong pera; Pagkatapos, tinawag siyang “On the Job trainee” at pinagpuhunan siya ng 500 pesos; naka- withdraw siya ng 1,000 pesos.
Pagkatapos, tinawag na siyang “regular employee” at pinagpuhunan siya muna ng P1,000, P2,000, at P5,000.
Ipinakita sa kakilala ko na umabot na sa P380,000 ang savings account niya.
Nang gusto na niyang ilabas ang lahat ng iyon, pinagbayad muna siya ng “buwis” na P38,000. Nang magpasok siya ng halagang iyon, hindi niya mailabas ang pera niya. Sinabi sa kanya na para maayos ang sistema, kailangan niyang magpasok ng P50,000, pagkatapos ay P56,000, atbp. Hindi na niya nakuhang muli ang mga pera niya. Pina-blotter niya sa pulis ang mga kriminal, subalit hanggang ngayon, hindi pa rin niya mahabol ang pera niya.
Napakasama ng maraming tao sa mundo. Ang dahilan ng mga scams ay ang pagkagahaman sa pera ng mga tao at kanilang katamaran. Tama si Haring Solomon, “Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan, ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)