“PAYO ko’y pahalagahan nang higit pa sa pilak,at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas. Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.” (Kawikaan 8:10-11)
Heto ang isang talinghaga: Ang Diyos ay mabagal lumakad, ang pera ay mabilis tumakbo, at ang tao ay katamtaman ang bilis kung lumakad. Kung hahabulin ng tao ang Diyos, madali niyang maaabutan Siya; at ang gantimpalang kayamanan ay aabot din sa kanya. Subalit kung hahabulin ng tao ang kayamanan, hindi niya ito maaabutan, at ang Diyos ay palayo nang palayo sa kanya. Kaya, hindi dapat hahabulin ng tao ang kayamanan; ang dapat niyang habulin ay ang Diyos at ang mga aral at payo ng Maykapal.
Bukod sa aral ng Diyos, ang payo ng mga matatanda o dalubhasang tao ay napakahalaga. Mayaman sila sa karanasan. Marami na silang pinagdaanan sa buhay. Nalalaman nila kung ano ang mga kapasyahan at kilos na magbubunga ng mabuti, at ano ang magdudulot ng pariwara. Kaya ang mga nakikinig sa payo ng mga matatanda o dalubhasa ay nakikinabang at natututo mula sa mayamang karanasan at kaalaman nila. Subalit ang hindi nakikinig sa payo ng mga matatalinong tao ay napagkakaitan ng karunungan at nahahantong sa sakuna. Kailangan pa nilang gumawa ng maling kapasyahan o masamang kilos at maranasan ang resultang kapahamakan para sila matuto. Ang masaklap nilang pagkakamali ay madalas na may kasamang pagkawala ng pera. Kaya, pahirap sila nang pahirap.
Si Solomon ay maraming kapatid. Ang ama nila ay si Haring David, subalit iba-iba ang kanilang mga ina. Ang karamihan sa mga kapatid niya ay mga “spoiled brat” o laki sa layaw dahil hindi naturuan ng kanilang mga tamad na ina. Ang ama nilang si David ay abalang-abala sa pamumuno sa bansang Israel at siya ay ang nanguna sa maraming digmaan ng Israel laban sa mga kaaway. Tuloy, hindi nabigyan ni David ng sapat na panahon sa pagtuturo ang kanyang mga anak. Inasahan niya na ang mga ina ng kanyang mga anak ang siyang gugugol ng panahon sa pagtuturo sa mga ito. Subalit hindi ginampanan ng mga inang ito ang kanilang tungkuling magturo. Kaya tuloy, naging mga masasama ang ugali ng mga kabataang ito. Naging kagaya sila ng sinabi ng bayaning si Francisco Baltazar, “Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad, sa bait, sa muni, sa hatol ay salat, masaklap na bunga ng maling paglingap, habang ng magulang sa irog na anak. Sa taguring bunso’t likong pagmamahal, ang isinasama ng bata’y nunukal, ang iba’y marahil sa kapabayan ng dapat magturong tamad na magulang.”
Ano ang ginawa ng mga hangal na anak ni David? Una, ang panganay na si Amnon ay nanggahasa ng kanyang sariling kapatid na babae na si Tamar. Ang nakatatandang kapatid ni Tamar na si Absalom ay naghiganti at pumatay kay Amnon. Nang patawarin ni Haring David ang kasalanan ni Absalom, nag-aklas ang walang utang-na-loob na si Absalom at namuno sa isang himagsikang-bayan para patalsikin sa puwesto ang kanyang ama; subalit napatay ang suwail na si Absalom. Pagkatapos, buhay pa si Haring David, ang anak niyang si Adonijah ay namuno sa isang kilusan para agawin ang pagkahari nang walang pahintulot ng ama niya.
Subalit naiiba si Solomon sa kanyang mga kapatid. Ang kanyang inang si Bathsheba ay gumugol ng mahabang panahon para magturo sa kanyang anak. Hiniling pa ni Bathsheba kay Propeta Nathan na tumulong sa pagtuturo ng Salita ng Diyos kay Solomon. Dahil noong panahong iyon ay tumanda na si Haring David at nadaig na ang lahat ng kalaban ng Israel, nagkaroon na rin ng panahon si David na magturo sa kanyang anak na si Solomon. Kinagiliwan ng Diyos ang batang si Solomon dahil siya ay may malakas na pananampalataya sa Maykapal, at siya ay magalang at masunurin sa kanyang mga magulang. Bata pa lang si Solomon, nakita na ni Haring David na sa lahat ng kanyang mga anak, si Solomon ang pinakamarunong. Ang ibang mga kapatid ay mga suwail, palalo, matitigas ang ulo, at walang takot sa Diyos. Kaya, malakas pa siya, nangako na si David sa asawa niyang si Bathsheba, “Pag ako ay mamamatay, gusto kong si Solomon ang hahalili sa akin. Siya ang pinaka-karapatdapat na maging susunod na hari ng Israel.”
Sinaulo ni Solomon ang mga aral at katuruan ng kanyang mga magulang at ni Propeta Nathan. Nakinig siya at siniryoso niya ang mga aral na ito, kaya naging labis siyang matalino. Sumulat siya ng tatlong aklat na naisama sa Bibliya – ang Aklat ng Kawikaan, ang aklat ng Mangangaral, at ang Awit ng mga Awit. At kasama sa kanyang mga memoryadong aralin ay ito: “Payo ko’y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.” Kaya para yumaman, makinig tayo sa payo ng ating mga magulang at ng mga dalubhasang tao. Mas pahalagahan natin ang karunungan kaysa salapi.