“KARALITAAN at kahihiyan ay ang matatamo ng mga taong ayaw sa pangaral; subalit karangalan ang tatanggapin ng mga tumatanggap ng saway.” (Kawikaan 13:18)
Marahil ang pinakadakilang Filipino na lumitaw sa ating kasaysayan ay si Dr. Jose Rizal. Isa siyang henyo. Ang kanyang mga nobela ay kinikilalang pinakadakilang mga aklat na nasulat sa ating bansa; ito ang nagkasi sa himagsikan ng mga Pilipino para patalsikin ang mga Kastila. Marunong siyang magsalita ng higit sa dalawampung wika. Isa siyang manggagamot, inhinyero, manunulat, makata, pintor, iskultor, negosyante, magsasaka, siyentipiko, at marami pang iba. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring sinumang Pilipinong isinilang na makatutumbas o makahihigit sa kanyang kakayahan.
Ano ang sikreto ni Rizal kung bakit siya naging isang henyo? Isinulat niya ang kanyang sikreto; ang sabi niya, “I have always wanted to hear criticisms against me because they improve him who wants to improve himself.” (“Laging gusto kong makarinig ng puna laban sa akin dahil pinag-iibayo nito ang sinumang gustong pag-ibayuhin ang kanyang sarili”).
Isa sa pinakamatanda, mayaman at marunong na sibilisasyong lumitaw sa daigdig ay ang kabihasnan ng mga Chino. Nag-anak ang bansang Tsina ng mga henyo at pilosopong kagaya nina Lao Tse, Confucius, Mencius, atbp. Ano ang sikreto ng Tsina kung bakit sila naging marunong at matalinong kabihasnan? Isa sa sikreto nila ay matututunan mula sa kanilang mga makabuluhang salawikain. Isa sa kasabihan nila ay “If you speak of my virtues, you steal from me; if you speak of my vices, then you are my teacher.” (“Kung babanggitin mo sa akin ang aking mga mabuting asal, ninanakawan mo ako; kung babanggitin mo sa akin ang aking mga bisyo, kung gayon ay guro kita”). Isa pa nilang kasabihan ay “Bitter words are medicine; sweet words bring illness.” (Ang mapapait na salita ay gamot; ang matatamis na salita ay nagbibigay sakit”).
Ang karamihan ng mga tao ay may gustong mapuri at mabilog ang ulo nila. Ang ibinubunga nito ay mga maling pag-aakala sa sarili. Nagkakaroon sila ng malaking pagkabulag sa kanilang mga kahinaan at kapangitan ng ugali. Ang mga labis na papuri ay gumagawa sa taong maging “spoiled” (namimihasa). Paglaki ng mga taong “spoiled”, sila ay nagiging mahihina ang loob, mga tamad, mga palaasa, at parang mga linta sa lipunan. Wala masyadong pakinabang sa kanila; kailangan silang alagaan at pakainin habang buhay. Marami akong kilalang mga taong pinamihasa ng kanilang mga magulang; pagtanda nila, hindi nagtapos ng pag-aaral, naging tamad, at naging pabigat sa kanilang magulang sa katandaan. Tama ang kasabihan ng mga Amerkano, “Spare the rod and spoil the child.” (“Huwag gamitin ang pamalo at lalaking namimihasa ang anak.”)
Ang kailangan ng maraming tao para maging matalino, marunong, at may malaking kapakinabangan balang araw ay disiplina. Sa umpisa, masakit ang disiplina; walang may gusto nito; subalit paglipas ng panahon, gagawin ka nitong malakas na tao, responsable, masunurin sa batas, at mabungang mamamayan ng lipunan. Labintatlo kaming magkakapatid. Ang ama ko ay mahigpit magdisiplina sa amin noong aming kabataan. Ang resulta ay lahat kami ay nagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, may mabuting hanapbuhay, at naging mabubuting mamamayan ng bayan.
Itinuturo ng Bibliya ang pagdidisiplina sa kabataan. Ang sabi ni Haring Solomon, “Karalitaan at kahihiyan ay ang matatamo ng mga taong ayaw sa pangaral; subalit karangalan ang tatanggapin ng mga tumatanggap sa saway.” Gusto mo bang maging marangal, mayaman at kapaki-pakinabang ang iyong mga anak balang araw? Kung ganoon, disiplinahin mo sila. Gamitan mo muna ng pagsaway. Kung hindi sumunod, saka pa lang gamitan ng pamalo. Ang turo ng mga Chino, “A bamboo stick makes a good child.” (“Ang patpat na kawayan ay lumilikha ng mabuting anak.”) Ang turo ng ating dakilang makatang si Francisco Baltazar, “Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad; sa bait, sa muni, sa hatol ay salat; masaklap na bunga ng maling paglingap; habag ng magulang sa irog na anak.” Balang araw, magiging karangalan at ginhawa sa buhay ang mga anak na nadisiplina.
Gusto mo bang magdalita at maging salot sa lipunan ang mga anak mo balang araw? Kung ganoon, huwag mo silang sawayin at pangaralan; huwag mo silang disiplinahin. Siguradong magiging mga barumbado ang mga iyan. Ang sabi ng salawikaing Filipino, “Anak na di paluhain, ina ang patatangisin.” Kung mahal mo ang mga anak mo, disiplinahin mo sila, at hindi ka magsisisi balang araw.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)