“HIGIT na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.” (Kawikaan 16:16)
Ang misis ko at ako ay nakatira na ngayon sa Mindanao, ang Pangakong Lupa ng Pilipinas. Ginamit ko ang ipon ko para magpagawa ng bahay. Ang naging superbisor ko ay isang madiskarteng tao – si Iking. Isa siyang katutubong taong ipinanganak sa Davao del Oro, na dating kilala sa pangalang Compostela Valley. Bantog ang probinsiyang ito dahil sa Mount Diwalwal o bundok ng ginto. Nang madiskubreng maraming ginto ang bundok na ito, nagdagsaan ang mga tao para makipagsapalaran. Hindi pinayagan ng gobyernong pumasok ang mga dambuhalang kompanya ng pagmimina para mga maliliit na katutubong Pilipino ang makinabang sa regalo na ito ng Diyos, ang bundok ng ginto.
Noong bata pa si Iking, isa siya sa mga taong magmina ng ginto.
Sabi niya, walang kaayusan ang mga operasyon. Labo-labo at kanya-kanyang diskarte ang mga tao.
Hindi scientific ang pamamaran ng mga minero. Ang bawat tao ay kanya-kanyang gawa ng mga butas at mga tunnel sa bundok; kaya naging parang ampaw ang bundok. Madalas gumuho ang lupa at napakaraming nalibing ng buhay.
Subalit hindi pa rin tumigil ang mga tao; malalakas ang loob nila. Ang mga makikipot na butas ay madalas mapuno ng maputik na tubig at napakalalim. Gumagamit ang mga minero ng tubo na nakakabit sa motor na bumubuga ng hangin.
Isinusubo nila ang tubo at lumulusong sa mga butas; hindi nila nakikita ang nilulubugan nila dahil sa sobrang maputik. Para silang bulag na naghahakot ng mga bato na inaasahan nilang may nakakapit na mga ginto. Marami ang nalulunod at namamatay sa ganitong mapanganib na metodo. Subalit walang paki ang gobyerno; walang safety standards na ipinapasunod. Bahala ang bawat tao sa buhay niya. ‘Di nagtagal, pumasok ang ilang makapangyarihang tao; may mga pulis, mga commander ng kasundaluhan, mga politiko at mga warlords.
Gamit ang maraming salapi, nagpaligsahan ang mga ito na makontrol ang operasyon. Maraming maliliit na minero ang naetsa-puwera o napatay. Nagbanggaan ang mga magkakatunggaling malalaking tao at nagkaroon ng mga karahasan.
Sa kabila ng pagkakamal ng maraming ginto, hindi pa rin nakaalpas sa kahirapan ang maraming tao. Kabilang dito si Iking. Dumating naman sa kanya ang panahong kumita siya nang malaki dahil sa mga gintong namina niya. Subalit agad ding nawala ang pera niya.
Hanggang ngayon, wala siyang sariling bahay at lupa. Nakatirik ang kanyang tirahan sa hindi niya lupa. Mayroon siyang asawa at dalawang anak, subalit walang kasiguruhan ang kanyang kita. Umalis na siya sa pagmimina dahil tumatanda na siya.
Una ko siyang nakilala nang mangailangan ako ng taong aakyat sa mataas na punong mangga sa tabi ng aming dating tirahan. Limampung taong gulang na ang punong ito ngunit nagbubunga pa rin. Pag nahulog ang mga prutas sa bubong, nayuyupi at nasisira ito.
Kaya inarkila ko si Iking. Matapang na tao siya. Kaya niyang akyatin ang napakataas na puno at pinutol ang mga malalaking sanga.
Pagkatapos nito, kinuha ko naman siya bilang superbisor sa pagpapagawa ng aking bagong bahay. Dalubhasa siyang karpintero at mason. Nagtataka ako na bagama’t marami siyang alam gawin, mahirap pa rin siya. Nang subukan kong bahaginan siya ng mga katuruan ng Bibliya tungkol sa wastong pamamahal sa pera, hindi siya nakikinig. Marami siyang bisyo – inom, sigarilyo at sugal. Napagtanto ko na kahit pala napakamadiskarte ng isang tao, at kahit pa magkaroon siya ng kayamanan, subalit kung wala naman siyang karunungan, balewala ang kanyang alam at kayamanan dahil nawawala rin agad ang mga ito.
Samantala, mayroon kaming katiwala sa aming farm si Dodong. Ginawa namin siyang “kabahin” (o kapartner) sa aming farm. Lahat ng kita ng aming pagsasaka, may 1/3 bahagi siya. ‘Pag nagtanim kami ng mais, 1/3 ng ani ay sa kanya. Bumili ako ng kalabaw; ‘pag may nag-arkila ng aming hayop, pagbayad ng nag-arkila, 1/3 ng halaga ay para kay Dodong.
Gusto namin siya dahil masipag, mapagkumbaba, magalang at tapat. Hindi siya mukhang pera. Ang sekreto niya ay dahil may takot siya sa Diyos. Palabasa siya ng Bibliya; walang araw o gabi na hindi siya nagbabasa ng banal na aklat na ito. Kasama niya ang kanyang asawa at dalawang anak.
May tindahan ang misis niya; at nangunguna sa paaralan ang kanyang dalawang anak. Tinuturuan namin si Dodong ng wastong pangangasiwa sa pera; at nakikinig siya. Dahil sa pagtitipid, nakabili siya ng sarili niyang lupang isasaka. Ak-bo siya sa kanilang simbahan. Nang magkaroon ng annual conference ang kanyang simbahan at nangailangan ng matitirhan ang kanilang mga opisyal na galing pa sa ibang probinsiya, inirekomenda ni Dodong ang aking bagong bahay. Tumira sila sa aking guest room at sa ikalawang palapag ng bahay .
Nagustuhan nila ang aking bahay dahil matahimik, napapalibutan ng maraming halaman, at napakalapit sa kanilang simbahan.
Mura lang ang aking singil – P100 bawat tao bawat araw. Masaya ang mga opisyal dahil nagkaroon sila ng bago at murang tirahan; masaya ako dahil nagkaroon ako ng kaunting kita; at masaya si Dodong dahil ibinigay ko sa kanya ang 10% ng aking kinita. Itinuturing ko si Dodong na isang pagpapala ng Diyos. Mayroon siyang karunungang higit pa kaysa sa ginto at pilak.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.”
Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)