TURO NI HARING SOLOMON: MAY KALAMANGAN ANG MAHIRAP SA MAYAMAN

“ANG yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay, ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala.” (Kawikaan 13:8)

Alam natin na maraming kalamangan ang mga mayayaman sa buhay kaysa sa mga mahihirap. Ang mga mayayaman ay maraming natatamong ginhawa sa buhay dahil sa kanilang kayamanan. Nakatira sila sa mga magagarang bahay. Nakasakay sila sa mga komportableng sasakyan. Masasarap ang kanilang pagkain. Mayroon silang mga katulong sa bahay na naglilingkod.

Nakakapamasyal sila sa malalayong lugar. At maganda ang pagtrato sa kanila ng maraming tao. Samantala, kawawa talaga ang mga mahihirap. Nakatira sila sa mga masisikip na tahanan. Sumasakay lang sila sa public utility vehicles (PUVs) kung saan kailangan nilang pumila nang matagal at makipagsiksikan. Hindi sila makatikim ng talagang masasarap na pagkain. Wala sila masyadong pahinga at libangan dahil trabaho sila nang trabaho para mabuhay, mapakain at mapag-aral ang kanilang mga anak. At madalas na masama ang pagtrato sa kanila sa lipunan. Kaya hindi kataka-taka kung bakit gusto ng maraming taong makaalpas sa kahirapan at maging mayaman.

Subalit ayon kay Haring So­lomon, may kalamangan ang mga mahihirap sa mga mayayaman. Ang mayayaman ay madalas maging target ng mga masasamang loob para dukutin at hingan ng perang pantubos para mapalaya.

Madalas silang kikilan ng pera ng mga kriminal. Kaya maraming mga mayayaman ay natatakot na lumabas ng bahay at pumunta sa mga delikadong lugar dahil maaari silang mapagkursunadahan, dakpin at pagkaperahan. Samantala ang mga mahihirap ay walang pa­ngamba na baka sila pagka-interesan na dukutin at hingan ng pantubos, dahil wala naman silang maibabayad.

Katatapos ko palang basahing muli ang kaso ng panganay na anak na babae ni John Gokongwei, isa sa pinakamayamang negosyante sa Pilipinas. Noong Agosto 1981, ang anak ni Gokongwei na si Robina ay kasama ng kanyang pinsan nang makidnap sila ng isang grupo na pinamumunuan ng isang suwail na anak ng isang hukom. Binihag ang dalawa sa loob ng pitong araw. Humingi ng sampung milyong pisong pantubos ang mga salarin. Ang amang negosyanteng si John ay humingi ng tulong sa kapulisan. Ang hepe ng pangkat ng pulis na matagumpay na nagligtas sa dalawang bihag ay si Ping Lacson (na naging senador ng Pilipinas). Dahil sa mahusay na operasyon, hindi na kailangang magbayad ni John. Gusto sana niyang magbigay ng perang gantimpalang nagkakahalagang P400,000 kay Ping Lacson at sa pangkat nito subalit hindi nila tinanggap (kakaibang-kakaiba ang ginawang ito).

Ang ginawa na lang ni John ay nag-donate siya ng 10 kot­seng pampulis sa kapulisan bilang pasasalamat.

Minsan nag-reunion kami ng dati kong kamag-aral sa high school. Ikinuwento ng isang kaklase ko, nagtrabaho siya sa isang kompanya sa Gensan City sa South Cotabato. Ang kompanya nila ay namamalakaya at nagbebenta ng mga isdang tuna sa Maynila. Naengganyo ang kamag-aral ko na magbukas ng restaurant na ang natatanging ibinebenta ay mga pagkaing tuna. Kaya nagbitiw siya sa trabaho, bumalik sa Marikina kung saan siya nakatira, at nagbukas ng tuna restaurant. Nagtagumpay ang kanyang negosyo; malaki ang kinita niya at naipon. Lumaki nang lumaki ang kanyang restaurant. Subalit nang umasenso na siya, naging mainit siya sa mata ng mga kriminal. Mayroon kaming isa pang kaeskuwela na naging pulis. Ang masaklap nga lang, siya ay naging “crooked cop” na napasama sa isang pangkat ng mga masasamang pulis (Ang karamihan ng mga pulis sa Pilipinas ay mabuti; subalit may ilang masasama na sumisira sa reputasyon ng buong kapulisan). Dinampot nila ang negosyante kong kaklase, inilagay sa isang van, sinaktan, binugbog, at tinakot. Kinuha ang kanyang mga ATM card at isa-isang pinuntahan ang mga bangko at inilabas lahat ang kanyang pera. Hindi pa nasiyahan ang mga kri­minal. Tinawagan ang misis ng kaklase ko at hiningan ng pantubos na sampung milyong piso. Walang ganoong kalaking pera ang kaklase ko.

Nakipagtawaran sila hanggang sa bumaba sa dalawang milyon ang pantubos. Kinausap ng kaklase ko ang misis niya at pinakiusapang ilabas ang lahat ng pera nila at umutang pa sa mga kamag-anak para mabuo ang halagang pantubos. Binayaran nila ang mga kriminal na pulis at saka pinalaya ang kaklase ko. Takot na takot siya at hindi nagsumbong sa kapulisan. Sinara na lang niya ang restaurant niya. Hindi nagtagal, nagkaroon ng programa ang kapulisan ng Pilipinas na linisin ang hanay nila. Maraming tinanggal na corrupt na mga pulis. At may mga kriminal na pulis na nakipagbarilan sa mabubuting pulis. Sa isang sagupaan, napatay ang kaklase naming kriminal na pulis.

Nakakatakot pala ang maging ubod ng yaman. Wala kang kapayapaan. Kailangan mo pang mag-arkila ng mga bodyguard para magbantay sa iyo. Hindi mo rin matitiyak kung ang bantay mo ay talagang mapagkakatiwalaan. Sabi ng isang salawikaing Filipino, “Kung sino ang bantay ay siya ring sumasalakay.” Hindi komo mayaman ay puro kasiyahan; hindi komo mahirap ay puro kalungkutan.

(Maaari niyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)