“ANG korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.” (Kawikaan 14:24)
Pantas ang tawag ng mga Pilipino sa mga taong ubod nang dunong o talino. Tinatawag din silang paham o dalubhasa. Noong unang panahon, binibigyan ng lahing Pilipino ang mga pantas ng mataas na karangalan at kahalagahan. Sila ang takbuhan ng mga ordinaryong mamamayan para makahingi ng solusyon sa kanilang mga problema.
Ang mga hari o rajah sa ating kasaysayan ay laging may mga pantas na tagapayo o kaya ay kasapi sila sa kapulungan ng mga matatanda na tumutulong sa pagpapasya ng pinuno ng bayan. Ang pagtuturo nila ay laging may kalakip na salawikain. Lagi silang “in demand” o hinahanap-hanap ng mga tao, at ang mga ito ay handang maghandog ng pabuya bilang pasasalamat sa mga payo ng mga pantas. Si Haring Solomon ay isang pantas. Ang sabi ng Bibliya, kinonsulta siya ng lahat ng mga hari ng mga bansa. Dahil sa mga regalong ibinigay sa kanya, naging ubod ng yaman si Solomon. Kaya totoong ang korona ng mga pantas ay ang kanilang kayamanan.
Kung totoong pantas ka, nauunawaan mo ang sanhi ng pagyaman at paghirap. Naiintindihan mo ang pag-iisip at pagkilos ng mga tao – masama man o mabuti. Ang tunay na pantas ay laging tumpak ang mga kapasyahan at pagkilos sa buhay. Kung tunay na pantas ang isang tao, hindi siya magbibisyo dahil alam niyang magbubunga ito ng mga sakit at panghihina ng katawan. Dahil umiiwas siya sa mga masasamang gawain, nakakatipid siya ng malaki; nagkakaroon siya ng ipon at kayamanan.
Samantala, ang mga hangal ay maraming bisyo – nagsisigarilyo, naglalasing, nagdodroga, nagsusugal, nambababae, nagtatamad, gastos nang gastos, at gumagawa ng mga kalokohan. Ang mga gawaing ito ay nagbubunga ng mga sakit sa katawan o kaya ay kapahamakan; at napapagastos sila ng malaki para magpagamot ng mga sakit.
Nakatira ako ngayon sa Mindanao. Lagi akong nagtuturo sa mga kakilala ko ng pagtitipid at pag-iipon. Nakakagulat dahil wala sa kamalayan ng maraming taong nakikilala ko ang pagtitipid. One-day millionaire ang ugali ng marami. Basta kumita ng pera, agad-agad gagastusin ang lahat. Nagpagawa ako ng bahay. Nag-arkila ako ng mga karpintero, mason at mga laborer. Ang pasuweldo ko ay tuwing Miyerkoles at Sabado. Mas mataas ang pasuweldo ko ng 30 piso kaysa sa mga karaniwang nag-aarkila sa kanila. Ang nakapagtataka, kahit kasusuweldo lang nila, subalit sa susunod na araw ay wala nang pera ang ilan at gustong humingi ng “cash advance.” Tinanong ko sila, “Bakit wala ka nang pera samantalang kasusuweldo mo pa lang nitong Sabado?” Ang sagot sa akin ng isa, “Marami kasi akong utang sa tindahan na dapat bayaran.” Ang sabi naman ng isa, “Naghuhulugan kasi ako ng motorsiklo.” Mayroon akong kinuhang katulong.
Tinuturuan ko siya ng mga prinsipyo ng pag-iipon. Tuwang-tuwa siya sa mga pangaral ko sapagkat ngayon lang daw niya narinig iyon. Pagkasuweldong-pagkasuweldo niya, binisita siya ng kapatid.
Sa sumunod na araw, wala nang natirang pera ang aking katulong dahil hiningi lahat ng kanyang kapatid. Kaya sinabi ko sa kanya, “Tamang tumulong ka sa pamilya mo pero huwag mong ibibigay ang lahat ng suweldo mo sa kanila. Magkaroon ka ng budget sa pagtulong; subalit dapat ay may bahagi ka para sa ipon.” Nangako siya na susundin niya ang payo ko mula ngayon.
Nakalulungkot isipin na dati ang mga tao sa probinsiya ay may lupa na sinasaka, may bahay, may kalabaw, at ang iba ay may kabayong pantrabaho. Subalit ngayon, ang karamihan ay wala nang lahat ng ito. Naging puro mga “landless poor” sila. Ang isa ay kumausap sa akin at pinagmamalaki niyang mangangaral siya sa simbahan nila. Mayroon siya dating bahay at lupa sa probinsiya, at bahay at lupa sa Quezon City, at may dalawang motorsiklo. Subalit ngayon ay wala na ang lahat ng ito at nakikitira na lang ang buong pamilya niya sa basement ng kanilang simbahan. Tinanong ko kung bakit nawala ang mga ari-arian niya. Sinabi niya sa akin na naloko raw siya sa pyramid scheme na Kapa Investment ni Joel Apolinario na ngayon ay nakakulong sa bilangguan ng Davao. Sinabi niya na halos lahat ng tao sa Mindanao ay namuhunan sa madayang negosyong ito. Ibinenta nila ang bahay at lupa nila, sakahan, kalabaw, kambing, baka, kabayo, at umutang pa sa bangko para makapaghulog ng pera sa Kapa.
Limang milyong Pilipino ay naloko (ang marami ay mga nakapag-aral na guro!) at ang natangay na halaga ay 50 bilyong piso. Dahil sa kagipitan ng marami ngayon, ibinenta nila ang mga lupa nila. Ang maraming nakabili ay mga dayuhang Chinese at mga taong taga-Maynila.
Nakakaawa ang mga Pilipino. Pahirap sila nang pahirap. Ang mga dayuhan ay payaman ng payaman. Kulang na kulang tayo sa karunungan. Sikapin nating maging pantas. Sundin natin ang payo ni Haring Solomon, “Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan, ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.”
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)