(Tutugunan ng DA)TAAS-PRESYO SA MANOK

MANOK-10

NAGLATAG ang Department of Agriculture (DA) ng mga interbensiyon para tugunan ang tumataas na presyo ng manok dulot ng mas mataas na demand habang mababa ang produksiyon.

Sa price monitoring ng DA hanggang nitong July 8, ang presyo ng kada kilo ng manok ay nasa P200 mula P190 noong Hunyo.

Ayon sa DA, sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ay nagkasa ito ng mga interbensiyon kasunod ng regular consultations sa industry stakeholders.

Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ng ahensiya ay ang pagpapahintulot sa inter-island movement mula mainland Luzon ng day-old chicks, hatching eggs, at ready-to-lay pullets.

Ayon sa DA, ang movement ng day-old chicks at hatching eggs ay pinapayagan basta negatibo sa avian influenza (AI), 28 araw mula sa petsa ng sample collection.

“For ready-to-lay pullets, movement is allowed provided they tested negative for AI 14 days from the date of sample collection,” sabi pa ng ahensiya.

Bukod dito, sinabi ng DA na inaalam ng BAI ang actual supply scenario sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga partner mula sa pribadong sektor sa regular na pagba-validate sa broiler life cycle model.

Para tugunan ang mataas na presyo ng agricultural inputs, sinabi ni BAI officer-in-charge-Director Reildrin Morales na makikipagdiyalogo ang mga DA executive sa ibang mga bansa para sa posibleng alternative sources ng mas murang feed ingredients.

Inalis na rin ng DA ang temporary ban para sa poultry products na nagmumula sa Spain, Denmark, at Czech Republic.

Sinabi ni Morales na tumaas ang demand sa manok dahil sa pagbubukas ng mga merkado, kabilang ang hotels at restaurants, kasunod ng pagluluwag sa pandemic restrictions.

“The uneven demand-supply situation may also be attributed to the restrictions in movement of live birds, poultry products and by-products due to Avian Influenza (AI) cases in some areas,” dagdag ni Morales.