INIHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na puspusan at patitindihin pa ang kanilang isasagawang ‘war on drugs’ habang lumilipat ang kanilang pokus sa grassroots level, paghingi ng tulong sa mga komunidad at paglulunsad sa youth-centered programs.
Ginawa ng DILG ang pahayag matapos sabihin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan na wala siyang intensiyon na muling sumapi sa International Criminal Court (ICC) na maaaring muling buksan ang kanilang imbestigasyon sa mga napatay sa drug war noong Administrasyong Duterte.
“We will surely intensify the war on drugs. But you know, for me, it’s not just the police who should move on this. It is one thing that everyone should act on this,” paliwanag ni Interior Secretary Benhur Abalos sa ginanap na briefing sa Malakanyang.
“Mas maganda siguro kung magtulungan tayo. Yung ugat nito, which is the community, the school, the family, everyone should help,” ayon pa sa kalihim.
Aniya, palalakasin din ng ahensiya ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADACs) upang mapaigting pang lalo ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Binigyang-diin ni Abalos na ang BADACs ang nagsisilbing ‘first line of defense’ laban sa ipinagbabawal na gamot.
Plano rin ng DILG na magsagawa ng mga aktibidad para sa mga kabataan na may temang say no to drugs.”
“It could be through sports, culture, arts, singing, we could have themes every month… as long as the kids will know na ‘pangit pala ‘yan (droga), hindi maganda yan,” dagdag ng DILG chief. EVELYN GARCIA