QUEZON CITY – INAASAHAN ang mabigat na trapiko simula ngayong Sabado ng gabi bunsod ng pagsasara ng U-turn slot sa Commonwealth, Don Antonio, upang bigyan daan ang construction sa Metro Rail Transit Project (MRT) 7.
Sa press briefing kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabi ni General Manager Jojo Garcia, simula alas-10:00 ng gabi ay isasara na ang U-turn slot sa nabanggit na lugar.
Nanawagan si Garcia sa publiko lalo na sa mga motorista na kailangan ang pasensiya at tiyaga dahil sarado ito sa loob ng dalawang buwan at tiyak na makararanas ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
Bahagi ito ng long term solution ng gobyerno para sa transport system modernization program at lumuwag sa trapik ang Metro Manila.
Ayon pa kay Garcia, may magandang balita naman dahil ang Concordia South bridge lane sa Quirino sa Maynila ay bukas at passable na sa mga motorista simula pa noong Huwebes.
Kabilang pa rin sa long term solution ng gobyerno para sa traffic reduction at transport system modernization program ang nalalapit na pagbubukas ng Laguna Lake Highway mula Bicutan hanggang Taytay na may 10 kilometro ang layo na magiging alternatibong ruta ng C-5 at EDSA, kung manggagaling ng Southern Metro Manila hanggang Eastern, tulad ng papuntang Taytay, Antipolo, Binangonan.
Sa pakikipag-usap kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Director Melvin Navarro, itinakda na nila ang pagbubukas ng naturang highway na tamang-tama para sa “bermonths”.
Malapit na ring buksan ang Harbor link Smart connect ng C3 at target ng DPWH ay sa buwan ng Disyembre.
Sa Disyembre 15 ay target na ring buksan ang Otis Bridge sa Maynila at ang C5 Extension Coastal Road, Bacoor, Cavite anumang oras ay magbubukas na rin.
Naniniwala si Garcia na ang mga bubuksang daan ay malaki ang maitutulong sa MMDA para sa long time solution sa traffic reduction sa Metro Manila. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.