UAAP: ARCHERS, MAROONS MAGSASALPUKAN

Standings                                                 W    L

*Ateneo                    10    0

UP                8     2

DLSU           7     3

NU               4     6

FEU              4     6

AdU             4     6

UST               3    7

UE                0   10

*Final Four

 

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – AdU vs UST

12:30 p.m. – Ateneo vs NU

4:30 p.m. – UP vs DLSU

7 p.m. – UE vs FEU

SA KANYANG unang coaching stint sa La Salle sa UAAP men’s basketball tournament, hinawakan ni Derrick Pumaren sina prized big men Jun Limpot at Noli Locsin, na kalaunan ay naging matagumpay sa kanilang collegiate at professional careers.

Hinahawakan ngayon sina future stars Mike Phillips at Justine Baltazar sa kanyang ikalawang tour of duty sa Green Archers, si Pumaren ay bumilib sa ipinakita ng kanyang malalaki noong Huwebes ng gabi.

Nagtala sina Phillips at  Baltazar ng pinagsamang 48 rebounds nang pataubin ng La Salle ang University of the East, 85-82, sa  overtime upang dumikit sa University of the Philippines sa karera para sa No. 2 ranking sa Final Four na may kaakibat na twice-to-beat advantage.

“You know, in my more than 30 years of coaching, this is the first time na nagkaroon ako ng two players getting more than 20 rebounds (in a game). That’s one for the books, I must say,” sabi ni Pumaren.

“These two kept us in the game. They kept getting the rebounds that we needed,” dagdag pa niya.

Kumalawit si Phillips ng 26 rebounds, ang pinakamarami ng isang player magmula nang humablot si Ateneo center Ange Kouame ng 27 boards sa 82-62 win kontra Far Eastern University noong Oct. 20, 2018.  Nagdagdag naman si Baltazar ng 22 caroms.

“I’m happy that I have these two guys and as I’ve said, it’s one for the books yung nakita ko ngayon. 26 and 22 rebounds, that’s something wala pa ata nakagawa nun dito,” ani Pumaren.

Sa pagsisikap ng Archers na makabalik sa Final Four makaraang mabigo sa huling dalawang seasons, sina Baltazar at Phillips ay magiging markado sa gitna sa pagsagupa nila sa Fighting Maroons sa alaa-4:30 ng hapon ngayon sa Mall of Asia Arena.

Nasa third spot sa 7-3, ang La Salle ay naghahabol sa UP (8-2) ng isang buong laro sa karera para sa ikalawang twice-to-beat advantage sa Final Four.

Sinabi ni coach Goldwin Monteverde na ang kanyang pinakamalaking alalahanin ngayon ay ang ‘consistency’ ng Maroons sa bawat laro.

“We need to work on that,” sabi ni Monteverde makaraang yumuko ang UP sa Adamson, 58-66, na tumapos sa kanilang eight-game winning run.

Iisa lang ang nasa isip ng Maroons – tanggapin ang pagkatalo, matuto rito at ang susunod na katunggali, ang  Archers.

“Siyempre, we have to be ready for La Salle right now, lalo na yung La Salle is parang their game is feeling ko going up. But napag-usapan naman yan before na we’re in the kind of season na wala ka naman panahon para to feel bad,” ani Monteverde.

Sa iba pang Saturday match-ups, target ng four-peat seeking Blue Eagles ang ika-11 sunod na panalo kontra inaalat na National University sa alas-12:30 ng tanghali, matapos ang salpukan ng Falcons at ng University of Santo Tomas Tigers sa alas-10 ng umaga.

Maghaharap naman ang Tamaraws at Red Warriors sa huling laro sa alas-7 ng gabi.

Ang Adamson, FEU at NU ay nakaipit sa three-way tie para sa fourth place sa 4-6, isang laro ang angat sa UST, na may 3-7 kartada sa seventh spot.