Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – FEU vs NU
1 p.m. – UE vs UP
4 p.m. – UST vs AdU
7 p.m. – DLSU vs Ateneo
MAHAHARAP ang four-peat seeking Ateneo sa matinding laban sa pagsagupa sa arch nemesis La Salle sa UAAP men’s basketball showdown ngayong Sabado sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang laro sa alas-7 ng gabi.
Sa panibagong kabanata ng kanilang mainit na bakbakan, ang Blue Eagles at Green Archers, walang talo sa tatlong laro, ay mag-aagawan sa solong liderato.
Walang talo magmula noong October 2018 kung saan nagwagi sila sa 29 sunod na laro, ang Ateneo ay sumandal sa third quarter runs para maitakas ang ikatlong sunod na panalo, kabilang ang 78-47 pagdurog sa Adamson noong Huwebes.
Ang La Salle ay 3-0 din sa ikalawang era ni Derrick Pumaren, kung saan galing ang Taft-based side sa 75-65 pagdispatsa sa Far Eastern University.
Tututukan ang UAAP top two centers sa katauhan nina Ange Kouame ng Eagles at Justine Baltazar ng Archers, na naglaro sa ilalim ni Baldwin for Gilas Pilipinas last year.
“I think coming to the next game, it’s going to be the same mentality and we try to cover our mistakes, learn from it, and keep moving forward,” sabi ni Kouame, ang naturalized Filipino na kumana ng double-double na 13 points at 10 rebounds laban sa Falcons.
Isasantabi ang pagkakaibigan para sa larong ito, gagawin ni Baltazar, na nasa kanyang huling taon sa La Salle, ang lahat para ipagpatuloy ang panalo.
Ang Archers ay nasa kanilang pinakamagandang simula magmula noong 2017 season na may tatlong sunod na panalo.
“Ganoon pa rin. Focus pa rin kami sa mga gameplan ni coach, kung ano ‘yung papagawa nila sa amin, magre-ready pa rin kami. So kung ano pa rin ‘yung ipinakikita namin, ganoon pa rin. Mas dodoblehin pa namin,” ani Baltazar, nagtala ng 20 points at 11 rebounds kontra Tamaraws.
Ang Ateneo ay nanalo sa kanilang huling limang laro kontra La Salle, kung saan nakatikim ito ng talo sa Game 2 ng 2017 Finals – 83-92 setback noong Nov. 29, 2017.
Sa iba pang laro ay target ng University of the Philippines ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa wala pang panalong University of the East sa ala-1 ng hapon, habang makakabangga ng University of Santo Tomas, galing sa breakthough 74-62 win laban sa UE noong Biyernes ng gabi, ang Adamson sa alas-4 ng hapon.