SISIKAPIN ng Ateneo na madala ang momentum ng kanilang panalo kontra University of the Philippines sa pagtatapos ng first round sa pagsagupa sa Far Eastern University sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Para kay coach Tab Baldwin, ang 99-89 overtime win kontra.
Fighting Maroons noong nakaraang Linggo ay mawawalan ng saysay kung hindi magkakaroon ng malakas na second round ang Blue Eagles simula sa 4 p.m. duel sa Tamaraws.
“I’m happy that we’re the first ones to knock them off, and they’ve done an awesome job getting at 6-0 with the league as tough as it is this year,” sabi ni Baldwin makaraang wakasan ang perfect run ng UP.
“But you gotta keep things in the context of the entire season. It becomes meaningless if we don’t play good basketball to follow this up and keep improving as a team,” dagdag pa niya.
“This is a great sign for the development of our team, but until we start showing consistency over more than just a couple of games, nobody should rest.”
Ang Ateneo ay kasalukuyang tabla sa fabled rival La Salle sa third at fourth spots na may 4-3 marka, dalawang laro ang agwat sa No. 2 National University, na makakaharap ang University of the East sa ala-1 ng hapon, na may 6-1 record.
Ang nag-iisang talo ng Bulldogs ay sa mga kamay ng Fighting Maroons.
Sisikapin naman ng UP na maibalik ang kanilang winning ways sa pagsagupa sa Adamson sa alas-6 ng gabi.
Ang panalo kontra Falcons ay magiging malaking morale booster para sa Fighting Maroons papasok sa rematch sa Blue Eagles sa Linggo.
Itinutulak ni mentor Jeff Napa ang kanyang tropa na magpokus sa kanilang laro, kung saan sisikapin ng NU na manatili sa top two range habang painit ang karera para sa Final Four placings.
“‘Yung gusto kong makita sa kanila, ‘yung manonood na lang ako sa kanila, hahayaan ko sila maglaro,‘yun na ‘yung hinihintay ko sa kanila kasi alam ko naman anong capabilities nila,” sabi ni Napa.
Galing sa 68-62 panalo kontra FEU na tumapos sa 19-game losing slump, ang University of Santo Tomas ay hindi kuntento rito.
Target ng Growling Tigers ang kanilang unang winning streak sa season laban sa Green Archers sa unang laro ng four-game bill na magbubukas sa second round sa ala-11 ng umaga.
Pangungunahan nina season MVP contender Kevin Quiambao at Evan Nelle, na kabilang din sa top five sa statistical race, ang La Salle.