BUMANGON sina James Buytago at Pol Salvador ng National University mula sa pagkatalo sa unang set upang gapiin sina Efraem Dimaculangan at Rancel Varga ng University of Santo Tomas, 12-21, 21-17, 15-12, sa kapana-panabik na opening day duel ng mga pinapaborang koponan sa UAAP men’s beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.
Kinuha ng three-peat seeking Growling Tigers ang opening set subalit rumesbak ang Bulldogs sa second upang ipuwersa ang decider.
Abante ang UST sa 8-5 sa third nang sindihan ng kill ni Salvador ang 5-0 run ng NU upang kunin ang 10-8 bentahe.
Isang block ni Dimaculangan ang nagpuwersa sa laro sa final deadlock sa 11-11 nang gumawa si Varga ng service error sa sumunod na rally na sinundan ng spike ni Buytrago at malaking block kay Dimaculangan upang lumapit ang Bulldogs sa panalo.
Naisalba ng Tigers ang isang match point mula sa kill ni Dimaculangan nang tapusin ni Salvador ang laro sa isang spike.
Isa itong morale boosting win para sa NU makaraang simulan ang season sa pamamagitan ng shock loss kina La Salle’s Noel Kampton at Vince Maglinao, 21-12, 15-21, 11-15. Umangat ang Bulldogs sa 1-1.
Sa morning session, tinalo nina Ateneo’s Abai Llenos at Amil Pacinio sina Far Eastern University’s Jelord Talisayan at Vincent Nadera, 21-15, 21-15, habang dinispatsa nina University of the Philippines’ Daniel Nicolas at Louis Gamban sina Adamson’s Ned Pacquing at Francis Casas, 21-15, 21-11.