Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
6 p.m. – UP vs Ateneo
PUNTIRYA ng University of the Philippines na wakasan ang 36-year title drought laban sa Ateneo sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Tinalo ang Blue Eagles ng dalawang beses sa loob ng isang linggo, ang Fighting Maroons ay papasok sa 6 p.m. match na mataas ang morale at kumpiyansang makukumpleto ang two-game Finals sweep.
Sisikapin na maging unang rookie coach matapos na makopo ni La Salle’s Aldin Ayo noong 2016 ang kampeonato sa kanyang unang pagtatangka, tila nakakita na si Goldwin Monteverde ng tamang formula para talunin ang Ateneo.
“I guess naman sa basketball, ‘yung formula is really kung puwede maging consistent sa team and defensively trust each other. ‘Yung communication dapat nandiyan,” sabi ni Monteverde makaraang maitakas ng Maroons ang kapana-panabik na 81-74 overtime win kontra Eagles noong nakaraang Linggo.
“Wala naman, I think, na perfect formula for anything, but importante lang to be consistent in running what we do,” dagdag pa niya.
Bago ang laro ay idaraos ang maikling awards ceremony sa alas-5 ng hapon, kung saan pararangalan ang season Most Valuable Player, Mythical Five, at Rookie of the Year winners.
Ang Game 3, kung kinakailangan, ay idaraos sa Biyernes, alas-6 ng gabi, sa parehong Pasay venue.