UAAP MAGBABALIK SA MARSO 26

MAKARAAN ang two-year break dahil sa COVID-19 pandemic, magbabalik ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ngayong taon.

Inanunsiyo ni UAAP president Emmanuel Calanog ng host school De La Salle University nitong Biyernes na ang 84th season ng collegiate league ay lalarga sa pamamagitan ng men’s basketball tournament sa Marso 26.

Bukod sa men’s 5×5 basketball, ang iba pang sports na lalaruin sa UAAP Season 84 ay ang women’s volleyball, cheerdance, poomsae, beach volleyball, men’s at women’s 3×3 basketball, at chess.

Ayon kay Calanog, tatlong men’s basketball games kada araw ang lalaruin tuwing Martes, Huwebes, at Sabado upang matapos ang torneo sa loob ng isa’t kalahating buwan.

Sinabi ni UAAP executive director Rebo Saguisag na ang walong kalahok na unibersidad ay nasa bubble sa buong panahon ng kumpetisyon.

Ang collegiate league ay huling nilaro noong  Pebrero 2020 sa pamamagitan ng women’s volleyball games, subalit kinansela ang season pagkalipas ng dalawang buwan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Nagpasiya rin ang liga na huwag idsos ang Season 83 nito noong nakaraang taon dahil sa pandemya.