(UAAP Season 81 judo) GOLDEN DOUBLE SA UST

judo

MULING itinanghal na solo men’s champions ang University of Santo Tomas habang nadominahan ng women’s team nito sa ika-5 sunod na taon ang UAAP Season 81 judo competition noong Linggo sa Enrique Razon Sports Center sa De La Salle.

Pinangunahan nina heavyweight Dither Tablan at half lightweight Ryan Benavides ang five-gold haul,  ang Growling Tigers ay nakakolekta ng 45 points upang makumpleto ang three-peat at maitala ang record 14th crown overall.

Nagkasya ang Ateneo, na­kisalo sa UST sa men’s title noong nakaraang  season, sa ikalawang puwesto na may 18 points makaraang magwagi ng dalawang ginto.

Nakalikom din ang University of the Philippines ng 18 points subalit nakopo ang ikatlong puwesto nang magwagi lamang ng isang ginto.

Itinanghal na MVP si Tablan, habang inangkin ni Benavides ang Rookie of the Year honors.

Ang iba pang Tigers gold medalists ay sina Russel Lorenzo (extra lightweight), Mitchell Salcedo (middleweight) at George Kim (half heavyweight).

Sa half lightweight gold ni MVP Khrizzie Pabulayan at sa pitong silver medals, ang UST ay nakakolekta ng 36 points upang mapalawig ang kanilang pinakamahabang winning streak sa women’s division sa limang taon.

Nasakmal ng Tigresses ang kanilang 11th tiara overall.

Nagwagi ang UP ng tatlong golds subalit pumangalawa lamang na may 25 points, at ­naungusan ang University of the East, na nakalikom ng 24 points sa ikatlong puwesto.

Naiuwi ni  Lady Warrior Remieanne Pangilinan, nanguna sa half middleweight category, ang Rookie of the Year honors.

Sa juniors division, napanatili ng UST ang boys title, habang nasikwat ng UE ang ikalawang sunod sa girls section.

Comments are closed.