UAAP VOLLEYBALL PAPALO NA

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UST vs FEU

12 noon – NU vs AdU

4 p.m. – Ateneo vs DLSU

6 p.m. – UP vs UE

MAGSASALPUKAN ang Ateneo at  La Salle sa pagsisimula ng UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Ang Lady Eagles, ang pinakahuling kampeon sa liga, at Lady Spikers, ang pinakamatagumpay na koponan sa nakalipas na dalawang dekada, ay magsasagupa sa harap ng inaasahang malaking crowd sa alas-4 ng hapon.

Umaasa si Ateneo coach Oliver Almadro na kakaibang rivalry game ang masasaksihan sa opening day, lalo na karamihan sa mga player ng parehong koponan ay wala na sa 2020 roster.

“We will just find a way with what we have.  I’m sure La Salle will give us a good fight,” sabi ni Almadro.

Sa iba pang opening day matches, maghaharap ang long-time volleyball rivals University of Santo Tomas at Far Eastern University sa alas-10 ng umaga, habang magbabakbakan ang National University at Adamson sa alas-12 ng tanghali.

Sa huling laro sa alas-6 ng gabi ay ang duelo ng University of the Philippines at University of the East.

Pinapayagan ang fans sa Pasay venue, subalit tulad sa men’s basketball tournament, walang spectators sa ringside at courtside sections.

Ang mga laro ay gaganapin tuwing Martes, Huwebes at Sabado. Ang tickets para sa 10 a.m. at 12 noon session, at 4 p.m. at  6 p.m. fixture ay magkahiwalay na ibebenta.