UAAP VOLLEYBALL PAPALO SA MARSO 3

UAAP Season 81 women’s volleyball tournament

MASASAKSIHAN na ang maiinit na bakbakan sa UAAP Season 82 volleyball tournament simula sa Marso 3 makaraang maantala ang opening nito dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ang men’s at women’s tournaments ay magbubukas sa Mall of Asia Arena sa pamamagitan ng double-header, tampok ang laro sa pagitan ng University of the East (UE) at ng Far Eastern University (FEU).

Sa Marso 4 ay maghaharap ang University of Santo Tomas (UST) at  National University (NU), gayundin ang Ateneo de Manila University at ang University of the Philippines (UP) sa maagang edisyon ng Battle of Katipunan, sa MOA Arena.

Ang rivalry match sa pagitan ng Ateneo at ng De La Salle University ay nakatakda sa Marso 7 sa parehong Pasay City venue, na tatampukan din ng duelo ng UP at UE.

Magtatapos ang ­unang linggo ng volleyball action sa sagupaan ng NU at  Adamson University, at ng FEU at UST sa MOA Arena.

‘Di tulad sa mga nakalipas na season, magkakaroon ng  Tuesday games na may tig-isang laro sa men’s at women’s.

Ang Wednesdays, Saturdays, at Sundays ay magkakaroon ng program format kung saan magsasalitan ang men’s at women’s. Magsisimula ang mga laro sa alas-9 ng umaga, alas-10 ng umaga, alas-2 ng hapon at alas-3:30 ng hapon.

Ang volleyball tournaments ay magbubukas sana noong Pebrero 15, subalit ipinagpaliban ng UAAP ang lahat ng sporting events nito dahil sa COVID-19  outbreak.

Ang iba pang sports na magpapatuloy ay ang judo competition sa Pebrero  29 hanggang Marso 1 sa MOA Arena, ang athletics events sa Marso 21-25 sa PhilSports Oval, at ang baseball at softball tournaments simula sa Marso 11 at Marso 12, ayon sa pagkakasunod.

Comments are closed.