(Mall of Asia Arena)
8 a.m. – AdU vs UST (Women)
10 a.m. – UP vs DLSU (Women)
2 p.m. – AdU vs UST (Men)
4 p.m. – UP vs DLSU (Men)
SIMULA na ang kampanya ng University of the Philippines para sa dalawang UAAP men’s basketball championships sa loob ng isang taon.
Makaraang tuldukan ang 36-year title drought noong nakaraang Mayo, ang Fighting Maroons ay umaasang matatapos ang 2022 na nasa ibabaw pa rin sa pagsisimula ng Season 85 ngayon sa harap ng inaasahang malaking crowd sa Mall of Asia Arena.
Sisimulan ng UP ang kanilang title-retention drive kontra La Salle sa rematch ng last season’s Final Four showdown sa alas-4 ng hapon.
“They have a different confidence level right now,” wika ni Green Archers coach Derrick Pumaren patungkol sa Fighting Maroons.
Sabik na ang La Salle, nagkaroon ng impresibong preseason buildup, tampok ang PBA D-League title noong nakaraang buwan, na makaharap ang UP.
“I can guarantee that we will just play hard, we work hard, and we will compete to get a chance of winning that ballgame,” ani Pumaren.
Walang duda na ang pinakaaabangang match-up ay sa pagitan nina dating high school teammates Carl Tamayo, isa sa inaasahan ng Fighting Maroons, at Kevin Quiambao, na ang high basketball IQ ay tiyak na makatutulong sa Green Archers.
Si Quiambao ay malaking tulong sa kampanya ng Taft-based squad na makabawi mula sa kabiguan noong nakaraang season na makaabot sa Finals, katuwang sina holdovers Mike Phillips, Schonny Winston at Evan Nelle.
“We really prepared for them. La Salle is a very good team,” sabi ni UP coach Goldwin Monteverde.
Ang Fighting Maroons ay may solid supporting unit sa likod nina Season 84 Finals hero Joel Cagulangan, Xavier Lucero at Senegalese Malick Diouf.
Minaliit ni Monteverde ang pagpili sa UP bilang isa sa title favorites.
“Ganoon naman kami, every time we go to a season, we just take it na anuman ang dumating and face the challenge,” sabi ni Monteverde.
Bubuksan ng Adamson at University of Santo Tomas ang bagong season sa alas-2 ng hapon.
Sasalang ang Jerom Lastimosa-led Falcons sa laro na ‘clueless’ sa Growling Tigers.
“We don’t have any idea on how they play under coach Bal (David),” sabi ni Adamson coach Nash Racela.
“So, we’re gonna be blind playing them this Saturday.”
Umaasang maisasantabi ang pagkawala nina Sherwin Concepcion at Bryan Santos, na hindi na maaaring maglaro ngayong season dahil sa kanilang edad, gayundin ni Kean Baclaan, na matapos ang impresibong ipinakita sa preseason ay lumipat sa National University, ang UST ay aasa ngayon sa pamumuno ni Nic Cabañero upang maging kumpetitibo sa season opener.
“We will just try our best to win this game,” ani Rodney Santos, isa sa assistant coaches ni David.