PINAG-AARALAN ng UAAP na magdagdag ng mga bagong sports sa calendar of events ng liga sa darating na Season 86 sa Setyembre.
Ang katatapos na Season 85 ay nagkaroon ng full calendar na may 60 events sa 21 sports sa college at high school divisions.
Ibinunyag ito ni incoming Season 86 president Rod Roque noong Sabado matapos ang closing ceremony sa Mall of Asia Arena kung saan tinanggap ng University of the East ang hosting chores mula sa Adamson.
“Well, meron kaming talks about inclusion of additional sporting events, then again it’s still raw, still in the process of talking so we have to iron out first the rules and regulations,” sabi ni Roque.
“There are other sporting events that are coming in for UAAP but we have to make the decisions on those. We will announce in the future what are those sporting events but they’re very exciting,” dagdag pa niya.
Sa Season 85, ang high school beach volleyball ay isinama sa general championship tally makaraang mahinto ang Season 82 debut nito dahil sa COVID-19 pandemic, habang ang high school 3×3 ay ipinakilala bilang demonstration event.
Kumpiyansa ang incoming host na muling magiging matagumpay ang season para sa UAAP dahil suportado ng lahat ng walong miyembro ang isa’t isa sa buong walong buwan.
Ibinahagi ni Roque na nagpahayag na ang kanilang co-members ng buong suporta sa UE para sa susunod na season, na pansamantalang magbubukas sa Setyembre 30.
“My first time was Season 77 (2014-15) and with the help of the seven other member-universities, it was a breeze,” ani Roque.
“On my part, honestly I don’t feel kahit a little pressure kasi yung eight member-schools we work together kaya sabi nga nila, they’re going to give me their 101 percent support when we start hosting,” dagdag pa niya.
Ang UE ay puspusan nang naghahanda para sa maayos na hosting sa Season 86 sa pangunguna ni incoming chairman Dr. Zosimo.