TALIWAS sa mga nagdaang conference ay mainit ang simula ng Blackwater sa PBA Philippine Cup.
Ang Bossing ay nabuhay at kumarera sa 4-1 kartada para sa solo third place sa likod ng powerhouse teams San Miguel Beer (6-1) at Barangay Ginebra (5-1) at kumakatok sa playoffs sa gitna ng elimination round.
Nagawa ito ng Bossing sa likod ng mga bayani ng koponan, sa pangunguna ng freshman na si Renato ‘Ato’ Ular.
Nagpakitang-gilas ang masipag na si Ular, isang second-round draftee mula sa NCAA champion Letran, sa kanyang unang limang laro, tampok ang double-double sa dramatic 90-89 win kontra Meralco.
Sa kanyang impresibong performance ay nakopo ng 6-foot-4 forward mula sa Tarlac ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa June 29-July 2 period.
Napalaban sa veteran frontline nina Raymond Almazan at Cliff Hodge, hindi tumalikod si Ular sa hamon at tumapos na may 19 points at 15 rebounds – na kapwa conference high – habang bumuslo ng 7-of-13 mula sa field.
Ang Blackwater player ay naging unang rookie na nagwagi ng Player of the Week citation ngayong season, at ang unang freshman na nakagawa nito matapos ni Northport’s Jamie Malonzo sa nakalipas na Governors’ Cup.
Ang 13th pick sa huling draft, si Ular rin ang unang Bossing na ginawaran ng POTW magmula nang makopo ni Ray Parks ang parangal sa unang linggo ng 2019 Commissioner’s Cup.
“Lagi kong pinaghahandaan kapag may game. Sobrang aga ko lagi sa court, nagsho-shooting at nag-gi-gym. Pinaghahandaan ko lagi. Kung pinaghahandaan man ako, mas pinaghahandaan ko sila,” sabi ng determinadong neophyte.
Tinalo ni Ular, ang second leading scorer para sa Blackwater (14.4 points) sa likod ni seasoned guard JVee Casio (15.4), sina TNT’s Mikey Williams, SMB’s CJ Perez at iba pang kandidato para sa weekly honor na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat.