MAKATI CITY – ARESTADO ang isang 23-anyos na estudyante sa isang unibersidad matapos makuhanan ito ng pinatuyong dahon ng marijuana habang papasok sa kanyang eskuwelahan kamakalawa sa Makati City.
Kinilala ni P/Col. Rogelio Simon, Makati City police chief, ang inarestong si alyas Natha, 2nd-year college student ng University of Makati (UMAK), at residente ng Barangay South Side, Makati City.
Batay sa report na isinumite ng Makati City police na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa suspek dakong alas-10:45 ng umaga sa University of Makati na matatagpuan sa J.P. Rizal Extension, Makati City.
Napag-alaman sa ulat na papasok na sa nabanggit na unibersidad ang suspek at dumaan muna sa pag-inspeksiyon ng security guard sa gate bago papasukin nang may mapanasin ang naturang security guard na kahina-hinalang nakabalot sa isang yellow pad at nang kanyang bulatlatin ay tumambad ang pinatuyong dahon ng marijuana.
Bukod sa pinatuyong dahon ng marijuana ay may nakuha pa umanong isang glasstube na may bakas ng marijuana sa patuloy na pagsusuri sa mga gamit ni Nathan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.