UMENTO SA PHILHEALTH BENEFITS, AARANGKADA SA 2024

NAKATAKDANG itaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng hanggang 30 porsiyento ang bulto ng mga benefit packages nito na inaasahang magpapababa nang malaki sa gastos ng mga pasyente sa pagpapa-ospital. 

Ayon sa ahensya, nakaambang ilabas sa susunod na taon ang pinagbuting pakete sa bawat kondisyon, sakit o operasyon, bunsod na rin ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang gastusing medikal.

Ayon kay Emmanuel R. Ledesma Jr., Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth, magpapatupad ang PhilHealth ng variable inflation adjustment kung saan mas malaki ang umento habang tumataas ang antas ng isang pasilidad.

Magpapatupad din ng cost-sharing mechanism ang ahensya kung saan magkakaroon ng fixed co-payment para sa pasyente matapos maibawas ang benepisyo ng PhilHealth. “Sa mekanismong ito ay magiging episyente ang pagbibigay ng serbisyong medikal at mapaghahandaan naman ng mga miyembro ang kanilang babayaran para sa dagdag na serbisyo at amenities na nais nilang gamitin habang naka-confine,” ani Ledesma.

Idinagdag pa niya na ang malawakang umento sa mga benepisyo ay iba pa sa mga naunang hakbangin sa pagpapalawak ng mga benepisyo ngayong taon. “Ito po ang tugon ng PhilHealth sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Kongreso at mga grupo ng mga pasyente na gawing mas kapaki-pakinabang ang mga benepisyong medikal para sa mga miyembro sa buong bansa”.

Matatandaan na ngayong 2023 ay ipinatupad ng PhilHealth ang dagdag na hemodialysis mula 90 patungo sa 156 sessions. Itinaas din ang bayad sa acute stroke mula P28,000 hanggang 76,000 para sa ischemic stroke at mula P38,000 hanggang P80,000 para sa hemorrhagic stroke. Bukod dito ay inilunsad din ang Outpatient Mental Health Package nito lamang Oktubre. Nakatakda ring itaas ang bayad sa high-risk pneumonia bago matapos ang taong 2023, at ang Z Benefits sa breast cancer sa susunod na taon kung saan aabot sa P1 milyon ang ilalaang benepisyo para sa kwalipikadong breast cancer patients kada taon.