DAHIL sa patuloy na pag-aray ng mamamayan sa pagtaas ng bilihin bunsod ng pagtataas ng produktong petrolyo, iniutos na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa wage boards na pag-aralan ang posibilidad na taasan ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Kamakailan ay umapela ang Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa gobyerno dahil hindi na nakasasapat ang natatanggap na arawang sahod ng mga manggagawa dahil sa paggalaw ng presyo ng petrolyo, presyo ng bilihin at serbisyo, gayundin ang nakaambang petisyon sa dagdag pasahe, taas singil sa tuition at iba pa.
Inihayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na nagbigay na siya ng kautusan sa lahat ng mga regional tripartite wage board na gumawa ng panibagong assessment at recommendation para sa dagdag na sahod.
Kasalukuyang nasa P512 ang arawang minimum wage.
Noon pang Oktubre 2017 huling inaprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang dagdag na P21 sa minimum wage sa Metro Manila.
Hinikayat din ng ALU-TUCP ang National Wage Board na magsagawa ng emergency meeting para talakayin at magtakda ng panibagong dagdag-sahod.
Ayon kay TUCP Chairperson Alan Tanjusay, ang mga nangyayari ngayon ay maituturing na extraordinary situation at supervening kaya’t kina-kailangan na muling pag-usapan ang umento sa sahod.
Iginiit ni Tanjusay na maaari namang putulin ng gobyerno ang tinatawag na prescriptive period na nagsasabing kailangang palipasin ang isang taon bago magtakda ng pagtaas muli ng sahod.
Una nang ipinanawagan ng grupo na ipantay na ang sahod sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa dahil hindi naman nalalayo ang presyo ng mga bilihin at hindi hamak na mas mahal pa ang presyo ng langis sa mga probinsya. AIMEE ANOC