BAYANI na ituturing ng buong mundo ang bansa at kompanya na unang makaka-develop ng mabisa at ligtas na bakuna laban sa COVID-19.
Matapos baguhin ng virus ang nakasanayan, kumitil ng libo-libong buhay at sirain ang maraming kabuhayan, tiyak na ilalagay sa pedestal at kikilalanin sa modern history ang makakaimbento ng solusyon upang tapusin na ang pandemya.
Pero marami ang nagulat at nag-alinlangan nang nitong linggo ay inanunsiyo ni Russian President Vladimir Putin na una sila sa mundo na makapag-develop ng bakuna, na tinawag na Sputnik V. Aprubado na umano ito ng health officials ng bansa nila, at maging ang isang anak ni Putin ay nabakunahan na nito, pruweba na epektibo raw ito laban sa coronavirus. Sa Oktubre ay plano na raw ng Russia na i-roll out ito sa publiko.
Samu’t sari ang reaksiyon ng mga kilalang health expert sa iba’t ibang panig ng mundo. Anila, masyado pang maaga para siguraduhin ng Russia na ligtas at epektibo nga ang Sputnik V. Mahaba, kumplikado at magastos na proseso ang pag-develop ng bakuna na umaabot ng maraming buwan o taon. Ang pinakamabilis na nagawang bakuna sa kasaysayan ay para sa mumps o beke, na inabot ng apat na taon.
Ayon sa mga eksperto, kinakailangan pang dumaan sa lahat ng phases ng clinical trials bago isapubliko ang bakuna. Kritikal umano ang phase three trial kung saan ira-randomize ang pagbibigay ng bakuna sa libo-libong testing participants na mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay. Iba umano ang pag-aaral nito kaysa sa testing na ginagawa sa mga 20 hanggang 80 lamang na malulusog na volunteers. Sa phase three malalaman kung epektibo nga ang bakuna at kung mayroon mang side effects.
Ang phase three trial ng Sputnik V umano ang pinag-uusapan nina Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at ng medical team mula Russia kung maaaring gawin sa Filipinas.
Ayon naman mismo kay President Duterte, tinanggap na niya ang alok ng Russia na suplayan ang Filipinas ng nasabing bakuna, at isa pa siya sa mauunang turukan nito para mapatunayan na epektibo ito. Ayon sa Presidente, magiging available na ito sa Setyembre o Oktubre, matapos ang clinical trials.
Mabuti ang intensiyon ng gobyerno na mabilisang sugpuin ang coronavirus sa bansa- pataas nang pataas ang dami ng mga nagpopositibo, nangunguna na nga ang Filipinas sa Southeast Asia, at malaki ang ibinagsak ng ekonomiya, kaya kailangan talagang masolusyonan na ito sa lalong madaling panahon.
Pero ayon nga sa mga eskperto sa medical community, kailangan na transparent ang impormasyon at datos na makakalap ng mga Filipino tungkol sa bakunang ito mula sa Russia. Non-negotiable dapat ito at maging mahigpit sana ang mga opisyal natin tungkol dito.
Paghandaan din mabuti ang clincal trial na balak gawin sa bansa. Handa ba tayo sa kalalabasan nito? Nawa’y bago umpisahan ito ay siguraduhin muna na protektado ang mga sasailalim sa testing, anuman ang mangyari. Napaso na tayo sa dengvaxia dati, sana naman dito ay mas positibo ang magiging resulta para sa kapakanan natin at sa mga susunod pang henerasyon. Kaligtasan ng mga Filipino sana ang unahin at intindihin bago ang lahat.
Comments are closed.