KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na ang mga health personnel mula sa 34 na pagamutan sa bansa ang tatanggap ng inisyal na batch ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula sa Pfizer.
Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabilang dito ang 32 pagamutan sa Metro Manila, isa sa Cebu at isa sa Davao.
“Last Friday we had a meeting with all of these hospitals. It’s a total of 34 hospitals—32 in Metro Manila, one in Cebu, and one in Davao. Ito pong mga hospital na ito binigyan ng mga directive that they should be able to submit to us their verified list of vaccinees and their quick substitution list over the weekend,” pahayag ni Vergeire, sa isang online briefing kahapon matapos na matanong sa bilang mga pagamutan na tatanggap ng inisyal na batch ng mga bakuna mula sa US drugmaker. “So we have 34 hospitals in all that are eligible to receive these Pfizer vaccines.”
Hindi pa naman pinangalanan ni Vergeire ang mga naturang pagmautan ngunit una nang sinabi ng Secretary Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force (NTF) against Covid-19, na unang mababakunahan ang mga health worker mula sa apat na Covid-19 referral hospitals sa Metro Manila, kabilang ang Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, East Avenue Medical Center at Dr. Jose Natalio Rodriguez Memorial Medical Center (Tala Hospital).
Sinabi na rin ni Health Secretary Francisco Duque III na una ring mabibigyan ng bakuna ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City at Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu.
Inihayag ni Vergeire na karamihan sa mga pagamutan ay nakapagsumite na ng listahan ng kanilang mga benepisyaryo ngunit may ilan pa namang hindi nakakakumpleto nito.
Napaulat na 117,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine, na mula sa global vaccine sharing scheme Covax facility, ang darating sa bansa ngayong buwan. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.